Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 446

Ika-10 labas

Napahugot ng malalim na paghinga si Conrad.

“Lucy, anak, sa tingin ko hindi gusto ng ama mo na makita kami rito, kaya magkita na lang tayo sa ibang araw at lugar.” Ani Aling Lore.

“Pero ‘nay…” si Lucy.

Bahagyang lumakad si Conrad palapit sa kanila.

“Stay.” Ang maawtoridad na sabi nito.

“Hindi. Gusto ko lang naman talagang makita ang anak ko, pero wala kaming balak magtagal, lalo na at nandito ka na.” matigas na sabi ni Aling Lore.

“Sige umalis ka, tutal iyan ka naman talaga e, kapag hindi mo kayang harapin ang sitwasyon, tinatakasan mo, tulad ng pagtakas mo sa amin noon!”

“Hindi ko kayo tinakasan, hinayaan mo kaming itaboy ng mama mo!” napataas ang boses ni Aling Lore.

“Hinanap ko kayo pero ayaw mong sumama pabalik!” tumaas na rin ang boses ni Conrad.
“Binalikan ko kayo pero wala na kayo dito noon!”

Pumagitna si Lucy sa dalawa.

“WHATEVER! Daddy, nanay, pwede ba stop acting like a child again? malalaki na kami ni Luisa, hindi na uubra sa amin ang style nyo nung araw, don’t you see dahil sa mga mali ninyong desisyon nandito tayo sa ganitong sitwasyon ngayon? Strangers to each other!” matapang na sabi ni Lucy.

“Okay sige, tapusin nyo na ang dinner nyo, pagkatapos mag-uusap tayo Lore!”

Hindi tumugon si Aling Lore. Nagsalita ng mahinahon si Luisa para sa ina.

“Nay, siguro po ito na yung tamang panahon para magkausap kayo ni tatay, alang-alang sa amin ni Lucy?”

Matapos kumain ay kinumbinsi ng kambal si Aling Lore na makipag-usap na kay Conrad.
Dinala nila ito sa office ni Conrad sa loob ng bahay.

Related Posts

“Sitdown.”

Hindi sumunod si Aling Lore. Nanatili itong nakatayo malapit sa pintuan.

“Conrad, gusto ko lang malaman mo na hindi ikaw ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon.”

“Oo, alam kong sasabihin mo na dahil lang sa mga anak natin, inaasahan ko na ‘yon. “
Tumayo si Conrad mula sa swivel chair at lumapit kay Lore.

“Lore, patawarin mo ko…”

Nagulat si Aling Lore. Hindi niya ‘yon inaasahan kay Conrad.

“Patawarin? Humihingi ka ng tawad?”

“Tama ka, marahil wala na nga kami rito ni Lucy nang bumalik ka, nagpunta kami sa London, pero ilang taon lang kami do’n pagkatapos ay bumalik rin kami rito…gustong-gusto kong subukan ulit na sunduin kayo, pero sa halip hinayaan Ko na lang ang pasya mo,kung ang pasya mo ay lumayo inisip ko na lang na iyon talaga ang gusto mo…na iyon ang makakapagbigay ng katahimikan sa’yo at  sa puso mo…at ngayong nandito ka sa harapan ko kasama ang isa ko pang anak, saka ko lang na-realize na sana pala ipinaglaban kita, ipinaglaban ko kayo…”

Napayuko si Lore sa mga narinig.

“Kung kapatawaran ang gusto mo, sige, pinapatawad na kita, pero hindi mababago no’n ang sitwasyon natin ngayon…” ani Aling Lore.

“Alam mo Lore, kung ako ang tatanungin, ayoko na rin sanang makita kayo, kasi ito na ang kinatatakutan ko eh, ang hindi nyo ako matanggap…pero inunahan na ako ng tadhana, dinala niya kayo dito para sa akin, kahit alam niyang huli na ang lahat…”
Napakunot ang noo ng babae.
“Anong ibig mong sabihin?”

Bago pa makasagot si Conrad ay nasapo na nito ang dibdib.

“C-Conrad?”

Bigla itong natumba.

“CONRAD!”

Magkatabi sa labas ng emergency room  sa magkahanay na upuan sina Luisa at Lucy. Nakatayo naman sa bandang pintuan si Aling Lore.

“I’m so stupid! Hindi ko man lang nahalata na may dinaramdam na pala si dad!” si Lucy. (Itutuloy)