Una sa Balita

Exchange of Hearts

By
0 442

Unang labas

Hindi mapakali si Lucy. Lakad dito, lakad doon. Panay ang tingin niya sa pambisig na orasan. Nasa loob siya ng isang mall at nasa harap ng isang bookstore.

“My God, ang tagal niya!”

Kahit nakakunot ang noo at halatang iritable ay lutang na lutang pa rin ang mataray na ganda ng beinte anyos na dalaga. Lalo na at bumagay sa lipstick nito ang suot na red na bestida.

“Bakit ba ang tagal-tagal niya?” patuloy na reklamo ni Lucy sa sarili.

Sa kakaikot niya ay nabunggo niya ang isang babae at nalaglag sa harapan niya ang bag nito. Kahit nakasimangot ay dali-dali pa rin niyang pinulot ang bag nito. Gano’n din ang babae na nagmamadaling damputin ang bag niya.

Halos sabay na sabay silang napahawak sa bag at nagkatinginan. Nagkatitigan. Parehong hindi makapaniwala sa tila salamin na nasa harapan nila.

Magmula sa mga mata, ilong at bibig ay tila wala silang pinag-iba. Ang simangot na mukha ni Lucy ay unti-unting napalitan ng pagkagulat. Habang ang kalmadong mukha naman ni Luisa ay napuno ng pagtataka.

Iginalaw-galaw ni Lucy ang kamay niya at hinintay na gumalaw din ito tulad ng kanya. Pero sa halip ay kinuha ng babae ang bag at marahang tumayo. Simple lang ang suot ng babae.

T-shirt at pants, bukod sa bag ay may dala rin itong envelope na nakaipit sa kili-kili.

“S-sino ka?” mahinang tanong ng babae na ang mukha ay halos walang pinag-iba kay Lucy.

“You, who are you?”

“Ako si Luisa, ikaw?”

“Well, I’m Lucy, pero bakit tayo magkamukha?”

“S-siguro dahil kambal tayo?”

Related Posts

“Kambal? May kakambal ako?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Lucy.

“Kung hindi ka makapaniwala, gano’n din ako! At saka hindi ako nakakasiguro kung magkakambal nga tayo kasi sa pagkakaalam ko nag-iisang anak lang ako ng nanay ko…”

“Solong anak lang din ako ng daddy ko!”

Biglang may kumislap na liwanag sa isip ni Lucy. Napatingin siya sa direksyon kung saan nandoon ang hinihintay. Dinukot niya ang calling card sa bag at iniabot sa kaharap.

“Luisa, can we talk some other time? Tawagan mo ako please?” may pagmamadali sa tinig ng dalaga.

“O-okay…sige…” naguguluhang sagot naman ni Luisa.

“Okay sige na, wait, may hihingin akong favor, pwede ba umalis ka na sa mall na’to, ipapaliwanag ko na lang sa’yo later!” halos ipagtulakan ni Lucy si Luisa.

“H-ha?”

“Please, importante lang na hindi ka niya makita!” pakiusap pa ni Lucy.

“O-oo na, sige na.”

Kasabay ng pagtalikod ng naguguluhang si Luisa ay siya namang dating ni Migz. Ang boyfriend ni Lucy. Gwapo at matangkad. Artistahin ang dating kaya naman hindi maiwasang maging lapitin rin ng mga babae. Mabuti na lang at hindi selosa si Lucy.

“Hon, nainip ka ba? sorry ha, marami kasing nakapila sa cr.”

“Migz, pwede bang ihatid mo na lang muna ako sa office ng dad ko?”

“H-ha? pero may papanoorin pa tayong movie diba?”

“Ahm, tinawagan kasi ako ni dad, mukhang may problema kaming pag-uusapan.”

“Gano’n ba? okay sige, let’s go.” (Itutuloy)