Una sa Balita

Ex-world champ Luisito Espinosa lindo ng boksing!

0 388

Bago umalingaw­ngaw ang panga­lang Manny Pacquiao sa larangan ng suntukan, namayagpag muna sa boxing ring si Luisito Espinosa.

Sa loob ng 21 taon, 1984 hanggang 2005, binuhos lahat ni Luisito ‘Lindol’ Espinosa ang lahat sa professional boxing.

Matapos ang dalawang dekada, hinahanap-hanap pa rin ni Espinosa ang pakikipagbasagan ng mukha sa iba­baw ng boxing ring.

“Nami-miss ko siyempre ang boxing­ kasi iyon ang buhay at hanapbuhay ko,” kuwento ng 52 taong gulang na ngayon ay dating two-division world champion nang maging panauhin kamakailan sa TOPS Usapang Sports sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

Nakamit ni Luisito ang World Boxing Association bantamweight belt taong 1989 nang ma-knockout sa unang round si Kaokor Galaxy ng Thailand.

Pagsapit ng 1995, nakamit naman niya ang World Boxing­ Council (WBC) feather­weight crown at pitong beses niya itong naidepensa bago mapakawalan kay Cesar Soto noong 1999.

Nang magretiro sa boksing, nanirahan sa Amerika si Espinosa kung saan naranasan niya ang lahat ng hirap.

Pagsapit ng 2017, nakakuha siya ng trabaho sa isang fitness gym sa Dalian, China.

Nagbakasyon lamang si Espinosa sa Pilipinas upang asikasuhin ang kanyang isinampang kaso laban sa mga dating promoter kaugnay sa hindi pa nababayarang US$130,349 (P6.6 milyon) premyo sa kanyang laban taong 1997 sa Koronadal, South Cotabato konta Carlos Rios ng Argentina para sa WBC featherweight crown.

Nagdesisyon na ang Korte Suprema noong Nobyembre 13, 2019 na pinagbabayad ang mga kaanak ng da­ting promoter ni Luisito. Subalit nito lang Enero 18, 2020 nai-release ang kopya ng SC resolution.

Plano ni Espinosa na manatili na sa Pilipinas kapag tuluyang na niyang makuha ang kanyang premyo.

“Sana mabayaran na ako kasi hirap na hirap na ako sa China para makapagnegosyo ako sa Pilipinas,” saad pa ng boksingerong may 47-13, 26 KO ring record.

Q&A

Abante: Ano po ang tingin ninyo sa estado ng boksing sa Pilipinas ngayon?

Espinosa: Ngayon mas nag-improve iyong mga boxer natin kasi nakikita nila iyong success ni Manny Pacquiao.

Abante: Kung may chance na kunin ka ng ABAP o ng PSC na maging coach or trainer ng mga boxer natin, tatanggapin ninyo?

Espinosa: Siguro oo, tatanggapin ko. Siguro pagkatapos ng work ko sa China iyon ang gagawin ko.

Abante: Ano po ang mensahe mo sa mga fan na hanggang ngayon ay iniidolo ka?

Espinosa: Nagpapasalamat ako sa kanila dahil hindi nila ako nakakalimutan. Iyong mga bad na nangyari sa akin, sana kalimutan na nila iyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More