Una sa Balita

Ex-solon nagtaray sa ‘werpa’

By
0 6

Lumikha ng gulo sa Senado ang isang dating miyembro ng Kamara matapos na pagbawalan umano itong makapasok sa session hall.

Base sa nakalap na impormasyon mula sa petmalung impormanteng si Mang Teban, nagtataray daw itong ex-solon matapos na hindi siya papasukin sa session hall ng mga tauhan ni Sgt. At Arms Jose Balajadia.

Wala man lang daw kasing naka­sabit na ID ang mokong para makilala na siya ay bisita ng Senado kung kaya’t hinarang siya ng mga tauhan ni Balajadia na ginagawa lamang ang kanilang trabaho.

Abante Hiring – IT dep

Kahit maliit na tao lang ang kumag, napakalaki naman daw ng ha­ngin nito matapos sabihan ang mga nakabantay na miyembro ng OSAA na “Hindi mo ba ako kilala? Congressman ako!”

Sa kabila ng pagpapakilala ng ex-solon, hindi raw siya pinaniwalaan dahil wala naman siyang nakakabit na pin na pala­tandaan ng isang pagiging miyembro ng Kamara.

Hindi naman daw nagpatalo ang dating mambabatas at nanindigan sa kanyang werpa o kapangyarihan at prebilehiyo na makapasok sa session hall kahit walang ID.

Akala siguro ng ex-congressman na isang malaking iPhone X ang security personnel ng Senado na sa ‘facial ­recognition’ ay magkakaroon ka na ng access sa pasilidad.

Sa huli, pinagbigyan na lang daw si ex-congressman upang hindi na lumaki ang gulo lalo pa’t marami na ang nakakapunang bisita sa komosyong likha ng pagtataray ng dating mambabatas.

Kahit na siguro ibigay natin ang buo niyang pangalan, hindi niyo pa rin siya makikilala kung kaya’t mas mabuting sa inisyal na “T” natin siya bansagan as in Tiny.