Una sa Balita

Ex-Malaysian PM Najib kinasuhan ng korupsyon

By
0 773

Kinasuhan nitong Miyerkoles si dating Malaysian Prime Minister Najib Razak ng criminal breach of trust, at corruption, dalawang bu­wan matapos itong matalo sa halalan dahil sa pagsingaw ng multi-billion dollar graft scandal.

“I claim trial,” wika ni Najib nang basahan ito ng sakdal at mag-plead ng not guilty sa High Court ng Kuala Lumpur.

Humirit ang mga prosecutor ng 4 million ringgit na bail ($1M), subalit ibinaba ito ng judge sa 1 million ringgit ($250,000) at ang pag-surrender ng dalawang diplomatic passport ni Najib.

Kalmado lang si Najib, nakasuot ng suit at red tie, at ngumiti pa nang dalhin ng kanyang mga escort patungo sa court complex.

Inaresto siya noong Martes, ng mga anti-graft official dahil sa suspetsa na inilipat niya ang 42 million ringgit ($10.4M) sa kanyang bank account mula sa SRC International, da­ting unit ng 1MDB state investment fund na ayon sa mga imbestigador ng Estados Unidos ay pinagpartihan lang ng mga associate ni Najib.

Maaaring makulong si Najib ng 20 taon sa bawat kasong kinakaharap nito. May katapat din itong parusang paglatigo, subalit dahil sa 64-anyos na ang dating prime mi­nister ay maaaring ma-exempt­ ito sa ganitong parusa.

Inakusahan naman ni Najib ang bagong gobyerno ng Malaysia­ ng ‘political vengeance­” sa isang video na ipinost sa social media bago siya inaresto noong Martes.

Noong nakaraang bu­wan lamang ay sina­lakay ng awtoridad ang property na minamay-ari ni Najib at narekober ang tinatayang 1.1 bilyong riggit o $272 milyong halaga ng cash, alahas at mga handbag.