Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ex-DILG Sec Puno bagong kakampi! Lacson-Sotto may alas sa 2022

0 406

Nakakuha ng asset ang tambalan nina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Vicente ‘Tito’ Sotto III para sa kampanya sa 2022 sa katauhan ng beteranong political strategist at dating Interior Secretary Ronnie Puno, ayon sa report ng Politiko website.

Sabi sa ulat, si Puno ang chairman ng National Unity party (NUP) ay magiging campaign manager ng Lacson-Sotto tandem.

Pormal na pumasok si Puno sa grupo matapos ang pulong kina Lacson at Sotto sa isang hotel noong Martes kasama ang ilang miyembro ng NUP.

Nangyari ang pakikipag-alyansa ni Puno kina Lacson at Sotto ilang araw matapos ihayag ni Davao City Mayor Sara Duterte na hindi na siya tatakbo sa pagka-pangulo dahil ang kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte ay tatakbo bilang bise presidente sa 2022.

Ang NUP na konektado sa bilyonaryong si Enrique Razon ay naunang nagdeklara ng kanilang intensiyon na i-renew ang alyasa sa partido ni Sara, ang Hugpong ng Pagbabago para sa susunod na halalan.

Inaabangan pa rin kung ano ang magiging susunod na hakbang ng partido sakaling totohanin ng alkalde ang naunang sinabi na hindi na siya tatakbo sa pagka-pangulo.

Noong Agosto ay nagbitiw si Manila Mayor Isko Moreno sa NUP at tumalon sa Aksyon Demoktratiko, kaya’t nagkaroon ng espekulasyon na tatakbo ito sa national post.

Si Puno ay kilalang political operator, na ayon sa kolumnistang si Mon Tulfo ay nagpanalo noon sa mga dating pangulo na sina Fidel V. Ramos, Joseph ‘Erap’ Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Sina Puno at Lacson ay parehong bahagi ng Estrada administration, si Puno ay naging pinuno ng Department of Interior and Local Government (DILG) habang si Lacson ay hepe ng the Philippine National Police (PNP). (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.