Una sa Balita

Ex-councilor, tinambangan ng 3 ‘tandem’

By
0 81

Isang dating konsehal sa lungsod ng Malabon ang patay matapos na tambangan ng anim na mga kalalakihang lulan ng tatlong motorsiklo kamakalawa ng gabi kung saan tatlong katao rin ang nadamay sa nasabing pamamaril.

Sa ulat ng Malabon City Police, ganap na alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa birthday party ng kaibigan ng biktimang dating konsehal Eddie Nolasco, 62-anyos, sa Barangay Potrero ng nasabi ring lungsod.

Kasalukuyan umano noong nakikipag-inuman ang biktima sa labas ng bahay ng kaibigang may kaarawan nang dumating ang mga suspek at walang anu-anong paulanan ng bala ang noon ay nakatalikod na biktima.

Apat na bala mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang tinamo ni Nolasco sa kanyang batok at ulo, matapos ang pamamaril ay agad namang sumaklolo ang mga kainuman ng biktima na nakilalang sina Ding Sotto, Michael Santos at Kid Ng.

Pinagbabato nila ng upuang monobloc ang mga salarin dahilan upang sila naman ang pagbalingan ng mga ito at isa-isang pagbabarilin.

Matapos ang insidente ay agad din namang nagsitakas ang mga suspek patungo sa hindi na nalamang direksiyon, habang hindi na rin nagawa pang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan ni Nolasco dahil nasawi ito antimano.

Mabilis rin namang nasaklolohan ang tatlo pang sugatan na nga­yon ay patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa pagamutang pinagsuguran sa kanila na hindi na rin binanggit para sa kanilang seguridad.

Samantala ay ayon naman sa mga kaanak ni Nolasco ay dati na umano itong nakakatanggap ng mga death threats na isinasawalang-bahala lamang ng biktima, sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, hindi naman isinasantabi ang anggulong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot ang motibo sa pagpatay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy