Ex-con inasinta sa Divisoria

By

Patay ang isang 24-anyos na ex-convict matapos barilin sa likurang bahagi ng ulo ng hindi nakikilalang gunman kahapon ng madaling-araw sa may Sto. Cristo St. corner Recto Ave., Binondo, Maynila.

Kinilala ni SPO1 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang biktima na si Jiovanni Barba Jr., miyembro ng Commando Gang, at taga-Barrio Gasangan, Baseco Compound, Port Area, Manila na namatay noon din.

Sa imbestigasyon, naganap umano ang pamamaril sa biktima dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa harap ng Gold Rich Collection General Mechandise sa panulukan ng No. 864 Sto. Cristo St. at Recto Ave., Binondo, Maynila.

Nalaman na ang biktima ay sangkot sa serye ng snatching at panghoholdap sa Divisoria at kalalaya lamang nitong Nobyembre sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan siya nakulong nang may ilang taon.

Nabatid na nakatambay sa lugar ang biktima nang barilin sa likurang bahagi ng ulo ng gunman.

Dinala ang bangkay sa Archangel Funeral para sa awtopsiya.

Patuloy pa ang imbestigasyon para malaman ang motibo ng pagpaslang at pagkakakilanlan ng suspek. 

SHARE