Una sa Balita

Ex-BF laglag sa sex video blackmail

0 71

Arestado ang isang 30-anyos na lalaki dahil sa pangingikil sa dating nakarelasyon matapos nitong paulit-ulit na hingan ng pera ang 36-anyos na babae kapalit ng hindi nito pagpapakalat ng kanilang sex video sa social media kamakalawa ng hapon sa Pili, Camarines Sur.

Hindi na nakapalag ang suspek na nakilalang si Francis Dominic Coralde, may-asawa, ng posasan ng pulisya matapos kunin ang halagang P700 marked money na ibinigay ng biktima na sadyang hindi na ibinunyag ang pangalan upang hindi na masira ang kanyang reputasyon bilang guro.

Sa ulat na isinumite ni PO2 Joanne Barrameda ng Women and Children’s Desk ng Pili Municipal Police Station (MPS), naganap ang entrapment operation dakong alas-singko ng hapon sa isang fastfood house sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Barangay Santiago ng nasabing lungsod.

Nauna dito, tumawag ang suspek sa dating karelasyon at muling humihingi ng pera sa huli at kung hindi ay ikakalat niya sa social media ang kanilang sex video.

Napag-alaman na umaabot na umano sa P18,000 ang naibibigay ng biktima sa suspek dahil sa takot na totohanin nito ang banta sa kanya.

Nagpasya nang magtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya upang isiwalat ang kanyang problema kaya agad na nagsagawa ng entrapment operation ang awtoridad upang madakip ang suspek.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy