Una sa Balita

Ex-Antique gov, anak pinakakasuhan sa nawawalang P58M PDAF

0 287

NAHAHARAP sa mga kasong pangwawalda­s at pandarambong ang mag-amang sina da­ting Antique Governor at incumbent Antique Congressman Paolo Javier matapos umanong mabigo ang mga ito na maisoli sa Bureau of Treasury (BOT) ang higit P58 milyong sobra mula sa tinanggap nilang mahigit P100 milyon na Priority Development Assistance Funds (PDAF) sa loob ng termino ng una bilang pinakamataas na opisyal ng lalawigan.

Sa kanyang reklamo sa Office of the Ombudsman, sinabi ni Jon Sherwin Pacete, station manager ng DYJJ Radyo Natin at naninirahan sa loob ng compound ng nasabing radio station sa Brgy. Caridad, Hamtic, Antique, na dapat kasuhan ng kriminal at administratibo ang mag-ama dahil hindi nila ibinalik sa gobyerno ang kabuuang P58,514,813.83 na sobra sa tinanggap nilang P159,950,072.90 na PDAF mula sa mga senador at kongresista noong termino ng matandang Javier.

Nahalal bilang gobernador ng lalawigan ang matandang Javier noong Hunyo 30, 2010 subalit pinatalsik siya sa puwesto ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections (Comelec) noong Pebrero 3, 2015 dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code.

May kaugnayan ito sa suspension order na ipinalabas niya laban kay Valderama, Antique Mayor Mary Joyce Roquero na mahigpit na ipinagbabawal habang umiiral ang election period noong 2013.

Samantala, sinabi ni Pacete na sa kabila ng napakalaking halaga na tinanggap ng provincial government sa ilalim ng liderato ni Javier, bigo naman aniya ito at ang kanyang anak na makapagpatupad ng mga programang lubusang hahango sa kahirapan ng mga taga-lalawigan.

Aniya, hindi naman naramdaman ng mga tulad nilang mamamayan ng lalawigan ang serbisyong dapat na ipinagkaloob ng provincial government sa panahon ng mga Javier.

Hindi rin naman iligal bagkus ay isang biyaya aniya ang tinanggap na tulong ng mga Javier mula sa mga senador at kongresista pero dapat din umanong tandaan ng mag-ama na may obligasyon sila sa pamahalaan na isoli ang perang tinanggap nila sakaling hindi ito nagamit. (Mia Billones)