Una sa Balita

‘Esterorista’ shame campaign ipatutupad ng PRRC

0 950

Sisimulan na ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang pagpapatupad ng ‘Esterorista’ shame campaign nito.

Ayon kay PRRC Exe­cutive Director Jose Antonio E. Goitia, layunin ng kampanya na pigilan ang walang habas na pagtatapon ng basura sa mga estero at ilog sa ­Metro Manila.

Sa ilalim ng nasa­bing kampanya, ang mga mapatutunayang nagtatapon ng basura sa mga estero ay lalagyan ng tatak na ‘esterorista’ sa kanilang barangay hall, bahay at establisimyento.

Sa isinagawang forum kamakalawa hinggil sa kontra esterorista na dinaluhan ng mga barangay official, ipinaliwanag ni Goitia ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga barangay hinggil sa solid waste management.

Sinabi pa ni Goitia na ang kawalan ng edukasyon at disiplina ng mamamayan at mga establisim­yento ang sanhi ng paulit-ulit na pagtambak ng mga basura sa mga ilog, lawa, sapa at estero na konektado naman sa Pasig River.

Ani Goitia, ang mga opisyal ng barangay ang magiging responsable sa pagtuturo ng edukasyon at tamang impormasyon sa kanilang mga nasasa­kupan hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.

“Ginagawa na natin ang lahat, ang paglilinis at ang edukasyon ng ating mamamayan, sana makipagtulungan din ang mga opisyal ng ating barangay,” dagdag ni Goitia.

Nagbabala naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin B. Diño na kakasuhan ang mga barangay official na magpapabaya para protektahan ang ilog sa kanilang nasasakupan. Tiniyak din ni Diño na idadaan sa due process ang mga kakasuhang opis­yal ng barangay.

Kasama rin sa forum ang mga kinatawan mula sa pamahalaang lokal ng San Juan City kung saan nangako silang palalakasin ang kampanya sa barangay kontra esterorista.

Sa nalalapit na eleksiyon, nakiusap si Goitia sa mga maluluklok na mga barangay official na alagaan ang kalikasan at turuan ng disiplina ang mga residenteng nagtatapon ng basura sa ilog.