Una sa Balita

Estate Tax

By
0 107

Dear Atty. Claire,

Ako po si Jinky. Kasal po ako at may isa kaming anak. Kamamatay lang ng asawa ko at gusto ko po sanang i-settle ang estate tax ng asawa ko sa BIR. Ang problema po ‘yung anak ko ay special child at siya ay limang taon pa lamang.

Puwede ko po bang i-file na sole adjudication instead of extrajudicial settlement? May bahay at lupa po kami at isang sasakyan at gusto kong mailipat sa pangalan ko na lang instead sa pangalan naming mag-ina ang titulo ng bahay at car registration para po kung sakaling gusto kong ibenta ang mga ito ay ‘di na mahirap ilakad pa.

Dahil nga po ang anak ko ay ‘di naman nakakapirma at nakakaintindi. Sana po mabigyan mo ako ng advice. Salamat po!

Sincerely,
Jinky

Dear Jinky,

Hindi mo maaa­ring i-shortcut ang batas. Maganda man ang layunin mo ay lalabag ka pa rin sa isinasaad ng batas. Kapag Affidavit of Sole Adjudication ang gagawin mo ay pinapalabas mo isa ka lamang tagapagmana ng asawa. Ano ang puwedeng maging problema niyan? Una ay falsification of document na iyan.

Pangalawa, kapag iyan ang gagawin mo at lalabas na walang anak ang asawa mo ay hindi lamang ikaw ang maaaring ma­ging compulsory heirs ng asawa mo kundi kasama mo sa hatian ang mga magulang niya (kung buhay pa) ngunit kung wala na siyang mga magulang ay makakahati mo naman ang mga kapatid niya, kung mayroon.

Ang compulsory heir ng isang namayapa ay ang kanyang anak at asawa.. at hindi na maaaring magmana ang magulang at mga kapatid kapag siya ay may anak, legitimate man o illegitimate kung may anak siya.

Ano ang dapat mong gawin? Bilang ina ng anak ninyo ay maaari kang magpa-appoint bilang guardian ng menor-de-edad mong anak. Kapag may court order na kung saan ikaw ang dineklarang guardian ay maaari ka nang mag-manage at mag-administer ng ari-ariang naiwan ng asawa mo ngunit ikaw ay magbibigay ng report sa korte tungkol dito.

Maaari ka na ring gumawa ng extrajudicial settlement of estate kung saan ilalagay mo na guardian ka ng anak mo. Hindi niya kailangang pumirma dahil ikaw ang guardian na siyang magre-represent sa kanya. 

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624/922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com