Una sa Balita

Esperon, Parlade, Badoy nireklamo sa Ombudsman

0 426

NAGHAIN ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang research group na IBON Foundation laban kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy, at Southern Luzon Command chief Major General Antonio Parlade Jr. dahil sa ‘malicious abuse of authority’ at ‘negligent performance of duties as public officials’.

Kamakailan, nagharap sa programang ‘The Chiefs’ ng TV5 Network sina Badoy at IBON research head Rosario Guzman matapos mag-fact check ang IBON sa inilabas na ‘Duterte Legacy’ ng PCOO. Pinangalandakan kasi ng PCOO na parang ang ganda ng ekonomiya ngayon kahit na lumaki na ang utang ng Pilipinas at bumagal ang paglago ng ekonomiya sa pinakamahina nito sa loob ng walong taon.

Layunin sana ng prog­rama na pag-usapan at himayin ang numero ng ‘Duterte Legacy’ ng PCOO ngunit imbis na ipaliwanag ito ni Badoy, binansagan lang niyang komunista ang IBON at front lamang daw ito ng CPP-NPA na itinanggi naman ni Guzman.

Kinailangang awatin pa ng mga host na sina Ed Lingao at Roby Alampay si Badoy.

Ayon kay Ed Lingao, hindi krimen maging komunista at sinabi naman ni Alampay na ang punto ng programa ay pag-usapan ang ‘Duterte Legacy’ ng administras­yon at maganda nga iyong plataporma para ipagtanggol ito ni Badoy.

Sa reklamo ng IBON, sinira pa nina Badoy, Parlade, at Esperon ang kanilang pangalan nang inakusahan sila ng mga ito na nag-iimbento ng mga report para sa United Nations at sa European Union. (Eileen Mencias/Tina Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More