Una sa Balita

Espenido tatakbong mayor sa Ozamiz

0 502

Sasabak na rin sa politika ang kontrobersiyal na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Inspector Jovie Espenido.

Ipinahayag nito ang kanyang pagtakbo sa pagka-alkalde sa 2019 elections sa Ozamiz City.

Rehistrado bilang botante si Espenido sa Leyte kung saan nagsilbi rin siya bilang hepe ng pulisya bago nilipat ng destino sa Ozamiz City.

Sabi ni Espenido, ililipat niya ang kanyang voter’s registration sa Ozamiz City para sa planong kandidatura sa pagka-alkalde.

Naniniwala ito na mas maipatutupad umano niya kung ano ang mga dapat na gawin kung nakaupo bilang alkalde.

Si Espenido ang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte nang mapatay si Mayor Rolando Espinosa sa loob ng selda nito sa Baybay City Provincial Jail noong 2016.

Inilipat siya sa Ozamiz City noong 2017 at napatay naman sa anti-illegal drug raid si Ma­yor Reynaldo Parojinog kasama ang 14 na iba pang suspek sa droga.