Una sa Balita

Espenido kabado na mababasura rin ang drug case vs Sen. De Lima

By
0 2,934

AMINADO si Ozamiz City police director, Chief Ins­pector Jovie Espenido na nangangamba siya sa magiging resulta ng kaso ni Sen. Leila de Lima matapos maabsuwelto ng National Prosecution Service (NPS) sa drug trafficking case ang umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.

Dahil sa pagkakabasura ng kaso laban kay Espinosa at mga kapwa akusado niya, nakakaalarma aniya na ganito rin ang kahihinatnan ng mga kaso ng senadora.

Ayon sa opisyal, nagulat siya nang maaabsuwelto si Espinosa at mga kapwa akusado na sina Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro at Lovely Impal gayung inamin mismo ni Espinosa sa pagharap niya sa Senate investigation noong Nobyembre ng 2016 na sangkot siya sa illegal drug trade.

Nagmula pa aniya sa bibig ni Espinosa na umaabot sa P8 million ang naibigay niya bilang bahagi ng campaign fund sa senatorial candidacy ni De Lima sa pamamagitan ng dati nitong driver na si Ronnie Dayan.

Idinawit pa noon ni Kerwin si Espenido na siya ang nagpakilala kay Dayan at nagpakilala pang driver ni De Lima.

Noong Nobyembre ng 2015, sinabi ni Espinosa na nakaharap niya si De Lima sa Burnham Park sa Baguio City at may kuha pa silang larawan. Ipinakilala raw siya ni ­Dayan sa senadora sa codename na ‘Batman’.

Si De Lima na nahaharap sa multiple case ng drug trafficking ay mahigit isang taon na ring nakakulong sa PNP Custodial Center.

Samantala, iginiit ni Espenido na hindi dapat naabsuwelto sa kaso si Impal na tinaguriang ‘drug queen’ dahil mas malaking isda ito kaysa kay Espinosa.

Habang ang isa pang naabsuwelto na si Miro, na bodyguard ni Espinosa at dati nang sumuko kay Espenido noong siya pa ang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte ay napatay naman kamakailan sa Ormoc City matapos umanong manlaban sa mga pulis habang isinisilbi ang kanyang arrest warrant.