Una sa Balita

ESPENIDO BERDUGO

By ,
0 19

Hindi na masasabing “coincidence” o nagka­taon lamang kapag namatay si Mayor Jed Patrick Mabilog sa sandaling maitalaga na si Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City, ayon sa isang kongresista.

“It goes to show that the assignments of Espenido and the killings of mayors in areas where he was assigned are not at all coincidences. Espenido is clearly acting under orders of the President. He is being used as a hatchet man of this administration,” reaksyon ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano kasunod ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa Iloilo ang susunod na assignment ng kontrobersyal na police officer.

Nakilala si Espenido nang sumuko sa kanya si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na kalaunan ay namatay sa loob ng kulungan. Sumunod na napatay rin si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog habang chief of police ng lungsod si Espenido.

Sinabi naman ni Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin na miyembro na ng PDP-Laban si Mabilog subalit hindi ito garantiya ng kanyang kaligtasan kapag nadestino na si Espenido sa Iloilo City dahil sa alegasyon ng Pangulo na isa siyang protektor ng ilegal na droga.

“If PCI Jovie Espenido will continue his nihilist campaign against alleged illegal drug personalities, then the mayor is not safe. His leadership is akin to a bounty hunter of the wild, wild West. He needs to get his quarry dead or alive but mostly dead,” ani Villarin.

Dahil dito, umapela ang dalawang mambabatas kay Espenido na pairalin ang rule of law.

“Again, I must remind this administration to respect due process and the rule of law. Ito dapat ang pagtibayin at iwasan ang pag-short cut ng proseso dahil magtutulak ito sa mga biktima na ilagay ang batas sa kanilang mga kamay,” sabi pa ni Alejano.

WALANG DAPAT IKATAKOT — M’CAÑANG

Nanawagan ang palas­yo sa publiko na makiisa sa kampan­ya ng pamahalaan kontra ilegal na droga at wala umanong dapat na ikatakot sa pagkakatalaga kay Espenido sa Iloilo City.

“We call on our people to unite with the state in our campaign against drugs through both police action and drug prevention and rehab with full respect for law…for human rights and the rule of law, which is the pledge of the President,” pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella kahapon.

Nilinaw ni Abella na wala namang partikular na rason na inihayag si Pangulong Duterte sa pagkakahirang nito kay Espenido sa Iloilo.

“He has his own reasons, he has his own sources of intelligence and he also has his own plan of action. So, there is no specific spelled out reason why Espenido is being assigned there,” ani Abella.

Ang malinaw aniya ay tapos na ang misyon ni Espenido sa Ozamiz City kaya binigyan ito ng bagong assignment.

Sa tanong kung may ikinakasang pulong sa pagitan nina Pangulong Duterte at Mabilog, sinabi ni Abella na wala pa.

“But I’m sure if he goes to the usual channels of appointments, then I’m sure the President will be willing to seat with him if and when,” ani Abella.

Nilinaw pa nito na hindi naman sini-“single out” ang alkalde.