Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Escarpe gold sa Kurash

0 43

IBINALIBAG ni Jackielou Escarpe ang ikalawang gintong medalya ng bansa sa Kurash men’s 73kgs category nang talunin ang pambato ng Thailand sa huling araw ng kumpetisyon ng kanilang event kahapon sa 31st Southeast Asian Games sa Hoai Duc Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Ito ang ikalawang medalya ni Escarpe sa SEA Games nang mapasama siya sa men’s judo team na nagwagi ng bronze medal sa 2019 meet na ginanap sa Laus Group Center Event sa San Fernando, Pampanga.

Tinalo ng Davaoeno athlete para sa titulo si Apicha Boonrangsee ng Thailand sa bisa ng 1-0 iskor sa championship match upang maging kauna-unahang Pinoy Kurash athlete na nagwagi ng gintong medalya sa biennial meet.

Bago rito ay tinalo muna ng tubong Governor Generoso, Davao Oriental ang defending champion na si Ngoc Son Vu ng Vietnam sa preliminary round at isinunod na pinatumba si Soe Myint Tun ng Myanmar.

Nakuha naman nina Mohamad Razlan Rozaidi ng Malaysia at Soe Myint Tun ng Myanmar ang parehong bronze medal.

Related Posts

Nabigo naman si 2019 SEA Games gold medalist Estie Gay Liwanen na muling magkampeon matapos makuntento sa bronze medal sa women’s 57kgs, habang kinubra ni Bianca Estrella ang isa pang bronze medal sa women’s 70kgs category.

Napanatili ni Saowalak Homklin ng Thailand ang kanyang titulo sa women’s 57kgs habang sumegunda si dating bronze medalist Hien Don Thi Thu ng Vietnam at isa pang bronze kay Thi Ngoc Nhung Nguyen ng Vietnam.

Wagi ng gold sa women’s 70kgs si Thi Thanh Trm Nguyen, habang silver si Phyo Swe Zin Kyaw ng Myanmar.

Nauna nang nagsipagwagi ng 3 silver mula kina Charmea Quelino (women’s 52kgs), Helen Aclopen (women’s 48kgs) at Sydney Sy Tancontian (women’s +87kgs), habang may nasungkit na bronze mula kina playing coach Al Llamas (60kgs), Renzo Cazenas (81kgs) at George Baclagan (90kgs).

Sa kabuuan ay nakakolekta ng 1 gold, 3 silver at 5 bronze medals ang Kurash Sports Federation of the Philippines na hinigitan ng 1 silver lang na nakuha nila noong nagdaang 2019 biennial meet. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.