Una sa Balita

Ermat todas sa shotgun sa videoke bar

0 281

Nauwi sa trahedya ang masayang pagtitipon ng isang pamilya nang maputukan ng shotgun ang nanay sa nangyaring awayan sa loob ng videoke bar sa Lucena City Huwebes nang madaling-araw.

Patay na nang isugod sa ospital si Liwayway Esguerra, 51-anyos, empleyada ng isang hotel matapos kasahan ng shotgun sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa Lucena City Police, alas-kuwatro nang madaling-araw nang mangyari ang insidente sa Tita V Videoke Bar sa Barangay 5 na pinamamahalaan ng suspek na si Venus Davila, 58.

Sa report, nagwala muna umano ang anak ng biktima habang nag-iinuman.
Nagalit ito kay Venus dahil sa palagi umanong hinihinaan ng huli ang sound ng videoke sa tuwing kumakanta ang ina.

Humingi naman ng tawad sa suspek ang biktima sa ginawa ng anak.
Subalit nang nasa labas na ang grupo ng biktima, biglang lumabas ang suspek bitbit ang improvised shotgun.

Tinangkang agawin ng biktima sa suspek ang armas subalit pumutok ito at tinamaan ang biktima.

Naagaw naman ng mga kapamilya ang sumpak at naiputok din sa suspek, na nakaratay ngayon sa ospital. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy