Una sa Balita

Erap duda sa pagboto kay JV

By
0 990

PINAG-IISIPAN pa umano ni ­dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada kung iboboto niya ulit ang anak na si Sen. JV Ejercito sa darating na eleksyon matapos na kumalas ito sa itinatag niyang Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) at lumipat sa Nationalist People’s Coalition (NPC).

Aminado si Estrada na masama pa rin ang kanyang loob dahil sa pag-ober da bakod ng kanyang anak sa ibang partido kaya hindi umano siya masisisi kung isipin din niyang iwanan ito sa kanyang laban.

“Bakit siya lilipat eh nandito ako? Tatay niya ako eh. ‘Pag nasa ibang partido ka na, nandu’n na ang lo­yalty mo, ang loob mo,” himutok ng alkalde nang makausap ng ilang malalapit na kaibigan sa Manila Hotel noong dumalo ito sa Manila City Development Council Convention kamakalawa.

Hindi aniya niya maisip kung bakit siya iniwan ng anak gayung hindi naman niya ito pinababayaan.
“Masisisi n’yo ba ako kung hindi ko siya iboto?” dagdag pa ni Mayor Erap.

Inamin din niyang hindi pa sila nagkakausap ng anak simula nang umalis ito sa PMP at lumipat sa NPC.
“Hindi natin masabi, basta nga­yon, hindi ko pa alam kung iboboto ko siya,” giit ng alkalde.

Samantala, ipinunto naman ni Ejercito na hindi magandang tingnan kung dalawa sila ng kapatid niyang si Jinggoy Estrada ang tatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng PMP.

Kumportable naman aniya siya sa NPC dahil kaibigan niya ang karamihan sa mga miyembro nito.

Matatandaang nagtampo rin noon ang panganay ni Mayor Estrada na si Jinggoy nang ihayag nito na si JV ang kanyang paboritong anak. Si Ejercito ay anak ni Estrada kay San Juan City Mayor Guia Gomez.

Nagkasabay sa pagtakbo sa pagka-senador sina JV at Jinggoy para sa May 2019 elections. Si JV ay tatakbo ng reeleksyon para sana sa ikalawa niyang termino, habang si Jinggoy ay tatlong taon namahinga. Binalak ni JV na tumakbong alkalde ng San Juan City subalit binalaan na posibleng matalo kaya’t ang anak ni Jinggoy na si Janela ang tatakbo.