Una sa Balita

Equitable Access to Math and Science Education Act, palaganapin sa buong bansa!

By
0 75

Kumusta, mga ka-Abante? Panibagong linggo, panibagong oportunidad na matuto ng bagong kaalaman! Pagkuwentuhan naman natin ngayon ang mga estudyante na may ‘special needs’ ngunit may angking galing sa mga subject tulad ng Mathematics at ­Science.

Mahirap pero may kakaibang saya ang naibibigay ng kapamilyang may awtismo. Maganda na mapaalalahanan tayo sa katotohanang “autism is not a disability, it’s a different ability.”

Sabi nga nila, ang mga batang may awtismo ay nagbibigay swerte at kakaibang kaligayahan sa pamilya. Kahit gaano pa kahirap ang sitwasyon dahil sa kailangang espes­yal na pag-aalaga at atensyon, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga magulang o tagapangalaga ng mga batang ito.

Talaga namang naka­bibilib ang determinasyon at diskarte ng mga magulang sa paghahanap ng iba’t ibang paraan upang makatulong sa paglawak ng kaalaman, matutong makihalubilo sa iba, lumaki ng maayos at mamuhay ng normal ang kanilang mga anak.

Tulad din ng ordinar­yong mag-aaral, kailangan nila ng sapat na atensyon at kalinga. Kaya ganun na lang ang kaha­lagahan ng sama-samang gabay ng mga magulang, guro, speech, physical at occupational therapist, counselor, at iba pa upang lalo silang humusay sa kanilang pag-aaral.

Malawak ang usapin tungkol sa kanilang kakaibang abilidad at kakayahan. Nakakamanghang malaman na mayroon silang angking-ga­ling at talento sa musika, math, science at sports kung saan sila ay nagiging eksperto at tinatawag na autistic savant.

Alam ko ang mga sakripisyong binubuhos ninyo sa inyong mga mahal sa buhay kaya naman kung inyong matatandaan, sa loob ng aking siyam na taong panunungkulan bilang mayor ng Lungsod ng Valenzuela, edukasyon ang aking na­ging prayoridad.

Bukod sa pagpapatayo ng mga elementary, high school at college buil­ding, binigyang halaga ng inyong lingkod ang mga proyekto na specialized educational institution tulad ng Valenzuela City School of Mathematics and Science (ValMaSci) at ng Valenzuela City Special Education Center (ValSPED).

Mula noon hanggang ngayon, malapit sa puso ko ang mga bata, kaya personal sa akin ang matulungan sila sa kanilang mga pangarap para makamit ang magandang kinabukasan sa pamamagitan ng libre at dekalidad na edukasyon.

Ngayon, tuloy-tuloy nating isinusulong sa Senado ang mga adhikaing ito sa pamamagitan ng mga panukalang batas na ‘Equitable Access to Math and Science Education Act’ (Senate Bill No. 373) at ang ‘Inclusive Education for Children and Youth with Special Needs Act of 2016’ (Se­nate Bill No. 996).

Payo lang natin sa mga magulang at guro, huwag nating sukuan ang ating mga anak at mahal sa buhay. Higit sa lahat, turuan at hikayatin sila ng simpleng kaalaman, kilos at pag-uugali na may isang libong pasensya at pang-unawa para mamuhay nang normal at masaya!