Una sa Balita

Epifanio ‘Todos Los Santos’ Avenue na raw ang EDSA sa dami ng aksidente

0 600

Sa dami ng mga bagay na nagiging uso, itong mga sunod-sunod na aksidente sa kalsada ang nausong gusto nating mawala sa moda. Sa sobrang dami ng mga naitalang aksidente, pumasok na sa pang-siyam ang aksidente sa motorsiklo sa bansa sa top 10 na listahan ng nakamamatay na aksidente.

Kahit hindi ko pa personal na nakikita ang datos na ito galing sa LTO, naniniwala akong totoo ito dahil sa araw-araw na pagsabak ko sa kalsada, dalawa kaagad na motorsiklo ang pilit na sumisiksik sa kaliwa’t kanan ng mga sasakyan. Kung nakatigil ang mga sasakyan dahil sa trapik, apat na motorsiklo ang nakapalibot sa iyo. Kung ganyan karami ang motorsiklo sa ating lansangan, hindi malayong malaki rin ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan nila.

Noong 2018, nakapagtala sa Metro Manila at Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) ng 1 vehicular accident kada 5 minuto, o 321 aksidente sa buong araw, o 116,906 aksidente sa buong taon. Nagresulta ito sa 17,891 injuries, kung saan 383 dito ay nauwi sa pagkamatay.

Sa dami ng aksidente sa EDSA, may nagmungkahi ngang palitan na ito at gawing Epifanio Todos (de) Los Santos Avenue sa dami ng buhay na ibinuwis sa kalsada.

Bilang pagsasalarawan pa ng tumitinding aksidente sa kalsada, noong isang linggo ay inisponsor natin sa Senado ang Senate Bill 1122 o ang National Day of Remembrance for Road Crash Victims. Mula noong i-sponsor at aprubahan natin ito sa 2nd reading, Nobyembre 5, hanggang sa aprubahan sa 3rd reading, Nobyembre 11, nakapagtala na agad sa Metro Manila pa lamang ng 1,786 aksidente.

Bakit kailangan nating pagtuunan ng pansin ang lumalalang sitwasyon ng aksidente sa kalsada? Sapagkat bukod sa mahalaga ang buhay ng tao, nagreresulta rin ito sa pagkawala ng oportunidad sa trabaho, pagkaubos ng pera ng pamilyang nagtutustos sa bayarin sa ospital, at kawalan sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa World Bank, kung walang mga aksidente sa kalsada, 7% ang potensyal na maidadagdag sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

Upang mabawasan, kung hindi man tuluyang mawala ang vehicular accidents, dito natin puwedeng pakinabangan ang mataas na singilin tuwing nagpaparehistro tayo ng sasak­yan. Noong 2018, umabot na sa P46.25 bilyon ang koleksyon sa Motor Vehicle Users Charge (MVUC). Sa 2019, madadagdagan pa ito ng P13.9 bilyon.

Isang suhestiyon natin sa DPWH na pondohan ng MVUC ang mga proyektong pangkalsada na gagarantiya sa kaligtasan ng mga pedestrian sa paligid ng mga eskuwelahan.

Laparan ang mga kalsada doon, lagyan ng sapat ng sidewalks, elevated walkways, pedestrian lanes at sapat na traffic signs na magsisilbing babala sa mga motorista na magmenor at paalalang ang right of way ay dapat na ibigay sa mga tumatawid.

Marapat lamang ang ganitong suhestiyon sapagpat 25 milyong tao ang nagpupunta sa mga eskuwelahan. Kinakatawan nila ang ika-apat na bahagi ng buong populasyon ng Pilipinas.

Kung tama man ang dinig natin na nagbabalak ang kasalukuyang admi­nistrasyon na doblehin o triplehin ang sisingiling ba­yad sa rehistro ng sasakyan, baka medyo lumambot ang pagkontra ng mga maaapektuhan kung may nakikita silang makabuluhang proyektong kinapupuntahan ng kanilang ibinayad, tulad ng pagsigurong ligtas sa sakuna ang mga anak nilang pumapasok sa eskuwelahan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy