Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Epekto sa kalusugan ng pagpupuyat

0 55

Kapag teen-ager, ang dahilan ng pagpupuyat ay pakikipag-usap sa crush o sa mga kaibigan, paglalaro ng games sa computer o telepono, o paghahabol sa mga projects sa eskwelahan. Kapag medyo nagka-edad na, trabaho sa opisina o sa bahay, pag-iisip ng mga problema at panonood ng mga teleserye bukod sa pagbabad sa social media.

Pero mayroong mga sakit din na maaaring maging dahilan ng hindi pagtulog ng maayos o pagising-gising sa gabi kaya napupuyat – kapag laging naiihi, sumasakit ang ulo, o naiistress.

Kailangan ng katawan na makakumpleto ng hanggang walong oras na tulog. Pero ang iba, limang oras lang, ok na. Pero paano kung dalawa o tatlong oras lang ang tulog?

Maraming naaapektuhan ang pagpupuyat. Una na rito ang utak. Maaaring magkaroon ng problema sa memorya kung lagi kang puyat. Nakakaapekto sa short at long term memory ang kakulangan ng tulog. Hindi ka rin makaka-concentrate at makakaisip ng mabuti kinabukasan sa iyong paggising.

Nakakapagpabago rin ng mood ang pagpupuyat – nagiging pabagu-bago ang ugali, nalulungkot at mabilis mainis ang kulang sa tulog. At dahil hilo pa, malapit sa aksidente ang walang tulog na maayos.

Mas madaling kapitan ng sakit ang puyat dahil bumababa ang depensa ng immune system. Tumataas din ang presyon ng dugo at ang asukal sa dugo.

Nakakataba rin ang puyat. Ang kemikal kasi na nagsi-signal sa utak na busog ka na ay nawawala sa balanse. Kaya ang resulta, napapakain ka. Kapag puyat din, dahil walang magawa, kumakain ka na lang.

Mapanganib din para sa puso ang pagpupuyat dahil tumataas ang presyon ng dugo bukod sa naglalabas ang katawan ng mga kemikal na nauugnay sa pamamaga o inflammation.

At nakakababa ng libido ang puyat. Bumabagsak din kasi, lalo na sa lalaki, ang kanilang testosterone level kapag puyat. At sino naman ba ang gaganahang makipag-labing labing kapag kulang sa tulog?

Ang mahirap, baka sa umaga o hapon at lantang gulay ka. O mararanasan mo ang microsleep o nakalatulog ka ng ilang segundo na hindi mo namamalayan. Nakakatakot yan kung ikaw ay nagmamaneho o naglalakad sa kalye.

Paano nga ba makakatulog nf maayos? Kailangang malamig at madilim ang tulugan. Magsuot ng komportableng damit. Iwasan ang paggamit ng gadgets bago matulog.

Huwag nang kakain 2 oras bago matulog. Iwasan na rin ang pag-inom ng tubig bago matulog para hindi maihi sa kalagitnaan ng gabi.

Huwag na ring mag-siesta sa hapon at iwasan ang kape o softdrinks o sports drink makalipas ang tanghalian o ilang oras bago matulog.

Maganda rin na magkaroon ng iisang schedule sa paggising at pagtulog. At kahit na weekend at walang pasok, ganoon pa rin dapat ang schedule. Mag-ehersisyo pero hindi sa gabi bago matulog. Bawasan o iwasan na ang pag-inom ng alak o paninigarilyo.

Kung may problema pa rin, kumonsulta na sa doktor.

Leave A Reply

Your email address will not be published.