Una sa Balita

Epekto ng Rice Tariffication Law P20B nawala sa bulsa ng mga magsasaka

0 466

SA bawat P1 pagbaba sa kada kilo ng palay, pumapatak na mahigit sa P20 bilyong piso naman ang nawawala sa bulsa ng mga magsasaka, ayon kay Senador Francis Pangi­linan.

Bagama’t maganda ani­ya ang intensiyon ng Rice Tariffication Law, ito pa rin aniya ang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng pres­yo ng palay na inaani ng mga lokal na magsasaka sa bansa.

At sa kada P1 pagsadsad sa presyo ng kada kilo ng palay, malaking pagkalugi na umano ang dulot nito sa mga magsasaka.

“Alam mo, we produced 20 metric tons of palay eve­ry year. Kapag binenta ‘yan ng P21 (kada kilo), mapupunta ‘yan sa bulsa ng ating magsasaka,” pahayag ni Pangilinan sa panayam sa dzBB kahapon.

“Kapag nagbawas ng piso sa 20 billion kilos, lumalabas na P20 billion ang mawawala sa bulsa ng mga magsasaka,” paliwanag pa nito.

Para matulungan ng gobyerno ang abang mga magsasaka dulot ng masamang epekto sa kanila ng Rice Tariffication Law, dapat bigyang prayoridad ang pamamahagi ng ‘financial assistance’ dahil sa pa­tuloy na pagbagsak ng pres­yo ng palay sa merkado.

Ayon pa kay Pangi­linan, bagama’t nakasaad umano sa batas na maglaan ng pondo para sa ‘farm mecha­nization’ sa pamamagitan ng P10 bil­yong Rice Competitiveness Enhancement Fund, hindi umano ito ang kailangan ng mga magsasaka kundi direktang ‘cash assistance sa kanila.

“‘Yung mechanization, totoo makakatulong ‘yun. Pero kailangan ka pa makikinabang doon sa mechanization? At the earliest, baka one to two years. Pero ‘yung nawala sa bulsa, ngayon na ‘yun,” ani Pangilinan.

“Tsaka na natin i-mecha­nize. Unahin na natin ang direct cash assistance,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law na nilagdaan noong Pebrero, pinapayagan nito ang ‘unlimited’ na pang-angkat ng bigas basta’t nakakakuha ang negosyante mula sa private sector ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at nakapagbayad ng 35% na taripa sa shipment ng bigas na inangkat sa karatig bansa sa Southeast Asia. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy