Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Epekto ng ‘learning loss’ sa ekonomiya

0 121

Dahil sa tagal nang sarado ng ating mga paaralan, pinapalagay po ng mga eksperto na magkakaroon ng “learning loss” o ang pagbaba o pagkawala ng kaalaman o kompitensi ng ating mga mag-aaral.

Nagmula po ang obserbasyong ito sa deka-dekada nang saliksik tungkol sa “summer slide” o ang pagdausdos ng mga natutunan ng mga bata tuwing summer break o bakasyon.

Isa po ito sa mga dahilan kung bakit nauso noon pa ang iba’t ibang mga summer class program para hindi “kalawangin” ang mga bata habang nakabakasyon at naghihintay lang ng pasukan.

Kung ang summer break po ay tumatagal ng dalawang buwan, ibig sabihin halos pitong summer break na ang katumbas ng mahigit isang taong suspensyon ng mga face-to-face classes.

At bagamat ipinapatupad ang iba’t ibang mga learning modality tulad ng online, blended at modular learning, hindi pa rin daw po nito matutumbasan ang in-person learning kung saan nasusubaybayan ng guro ang pag-aaral ng kanyang mga estudyante araw-araw.

Sa pag-aaral ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na binubuo ng mga pinakamayayamang bansa sa Europa kabilang na ang Japan at Korea, malaki raw po ang impact sa ekonomiya ng learning loss o ang tinatawag na ngayong “COVID slide”.

Matagal na pong napatunayan sa mga pag-aaral na ang kada isang taong dagdag sa pag-aaral ng isang indibidwal ay may katumbas na 10% pagtaas sa pwede n’yang kitain kapag naging parte na siya ng labor force. Kaya’t ang menos isang taong pagpasok sa eskwela dahil sa COVID-19 ay may katumbas ding 10% pagbaba sa future income ng mga apektadong mag-aaral.

Kaugnay din po nito ang obserbasyon na “less skilled” o mas mahina ang naging training ng ating mga kabataan sa isang buong taon ng pagsasara ng mga eskwelahan at dadalhin nila ang mas mababang antas ng kasanayang ito sa kanilang trabaho sa hinaharap. Apektado po ang takbo ng ekonomiya kapag “less skilled” ang mga manggagawa.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Sa mga ginawang mga projection o pagtataya ng mga siyentipiko, ang isang buong taong school closure ay magpapababa sa Gross Domestic Product o GDP ng 4.3% hanggang sa taong 2100 na katumbas ng “life expectancy” ng mga bagong panganak na sanggol noong 2020 kung kailan tumama ang COVID-19 pandemic.

Bagamat wala pang pag-aaral dito sa Pilipinas sa epekto ng “COVID slide”, hindi naman po tayo exempted sa posibleng impact nito na maaaring mas magaan, mas mabigat o pareho lang sa mga ginawang pagtataya sa mga first world country.

Kailangan pong sapuhin ang pagkawala ng mga natutunan ng mga bata dahil sa COVID slide sa pamamagitan ng pagtitiyak na higit na mas magiging epektibo ang ating mga eskwelahan sa post-corona.

Ibig sabihin, hindi po maaring ituloy lamang kung ano ang mga ginagawa na ng ating mga paaralan bago tumama ang pandemya. Importante rin po na agad mabuksan ang ating mga klasrum kapag epidemiologically feasible na o wala ng banta sa kalusugan.

Subalit kung magtatagal pa bago payagan ang face-to-face classes, hindi po ubrang pabayaan lang na mag-isang nag-aaral o sumasagot ng mga module ang ating mga kabataan. Kailangan din po ang “remediation” para masalo ang paghina ng cognitive skills o pangangalawang dahil sa tagal na nilang naka-stay-at-home.

Higit sa lahat, kailangan pong pagtuunan ang pag-aangat ng kalidad ng ating mga guro. Kaya’t katuwang po ang Committee on Basic Education sa Senado na pinamumunuan ni Senator Win Gatchalian, sinusulong po natin ang Senate Bill No. 2152 o ang pag-reporma sa Teacher Education Council (TEC) para palawakin ang kapangyarihan nito bilang taga-kumpas sa teacher education and development sa bansa.

Importante po ito sa ngayon dahil kailangang pagtugmain ang lahat ng mga pagkilos at programa ng ating mga education agency tulad ng DepEd, CHED, at TESDA para sa “new normal” at pagtugon na rin sa “COVID slide”.

Hindi po uubra ang kanya-kanyang kumpas, kailangan po ng “maestro” na magtitiyak na iisa lang ang galaw at direksyon ng lahat ng mga nabanggit na ahensya lalo na po ang may kinalaman sa edukasyon at training ng ating mga guro.

Naniniwala po tayo na ang husay ng ating mga guro ang magiging susi natin para makaresponde tayo sa “COVID slide”, maprotektahan ang trabaho ng mga Pilipino at maibangon ang ekonomiya ng ating bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.