Una sa Balita

Epal dapat balikan ng Comelec

0 433

Painit na nang painit ang eleksyon. Mali­ban sa papasok na ang bansa sa panahon ng tag-araw, sumasabay ang init ng panahon sa mga nagtutunggalian na mga kandidato sa eleksyon. Lalong-lalo na sa mga nagpapaligsahan para sa Senado.

Ang Comelec ay tila walag magawa at tahimik lalo na sa pagbibigay ng opinyon sa mga epal na kandidato. Sa ngayon ay maaari nang ipahayag na ang isang kandidato ay tumatakbo sa isang elective position na hindi na lumalabag sa patakaran ng Comelec.

Ngunit kung babalikan natin ay nalusutan ang komisyon sa mga hayahang pag­labag. Oo, marahil sasabihin ng marami na, “e, hindi naman sinasabing iboto mo si ganito o ganyan.” Walang pagbanggit ng iboto kung kaya’t lumulusot na nangangampanya. Kahit bawal pa ang pangangampanya.

Nanggagalaiti na lamang sa inis ang mga netizen sa tahasang paglabag na ito, at lalong nanggagalaiti dahil hindi rin nagsalita ang Comelec.

Madalas akong bu­mabiyahe sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. At kadalasan ay sumasakay ako ng eroplano. Kung kayo ay madalas din na bumabiyahe, malamang sa mga airport departure, maging sa arrival ay lantaran ang desimoladong pa­ngangampanya ng isang kandidato ng administrasyon.

Sa NAIA ay halos wala kang mapapansin, ngunit sa mga probinsya ay naroon ang mga patalastas sa telebisyon at paglabas mo ng airport ay nakabandera na sa paligid ang mga mukha ng mga kandidatong ito. At sila ay mga kandidato ng administrasyon.

Tahimik ang Come­lec tungkol dito. Hindi patas ang labanan. Lamangan ang nangyari. Ngunit marahil sa takot ng mga tao ay tahimik na lang sila sa paghahayag ng kanilang mga opinyon.

Wika nga ng isang pasaherong ale, na kasabay ko sa departure sa Tacloban pabalik ng Manila, “wala na tala­gang delikadeza sa ba­yan na ito. Nakali­mutan na ang kaugaliang iyan. Garapalan na talaga.” At ako’y napatahimik na lang.

Marahil, dapat balikan ng Comelec ang kanilang patakaran tungkol sa mga epal. Muling bisitahin nila ang mga lantarang pag-aabuso at walang paggalang sa patakaran na dapat ay patas ang labanan. Dapat walang mga tarpaulin na nagkalat ang pangalan bago magsimula ang kampanya. Dapat igiit ng komisyon ang kanyang pagiging independiente na sangay ng pamahalaan. Dapat walang epal. Dapat magbitiw sa tungkulin sa gobyerno kung tatakbo sa eleksyon.

Ngunit ‘yan ay mga dapat. Walang saysay ang mga patakaran kung ‘di rin ipinapatupad ang mga ito.

Kung sabagay maaari ngang baliin ang resulta ng SWS para maging number 3 sa survey. At baka maaaring pinaniwalaan ng mga tao ito, dahil nauna na sa pa­ngangampanya malayo pa ang eleksyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy