Una sa Balita

EO ni Duterte, ulan nagpababa ng sugatan sa paputok

0 399

BUMABA nang 68 porsiyento o katumbas na 139 kaso ng mga nasugatan sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon ang naitala ng Department of Health (DOH) ngayong taon kumpara sa 428 kaso noong 2018.

Sa isang press briefing, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na isa itong kasaysayan sa record ng mga pagdiriwang tuwing Bagong Taon dahil ito na ang pinakamalaking pagbagsak ng mga firecracker-related injuries sa mga nakalipas na taon.

Aniya, may mga pagkakataon din na maulan sa pagsalubong ng Bagong Taon subalit nakapagtatala pa rin ng mataas na kaso ng mga nasugatan.
Gayunman, maaari pa rin naman aniya itong madagdagan dahil sa mga naaantala pang ulat na dumarating sa DOH.

“Today we have a 68-percent decline in the number of fireworks-related from December 21, 2018 to January 1, 2019 and that is as of 6 a.m., compared to the 428 cases during the same period last year. This brings the total number to 139 ­cases,” ani Duque.

Wala ring naitalang kaso ng mga nabiktima ng ligaw na bala sa taong ito, ayon kay Duque, bagama’t iniulat na isang lolo sa Pangasinan ang tinamaan ng stray bullet.

Nangunguna sa nakapagtala ng pinakamara­ming kaso ng pagkasugat sa paputok ang National Capital Region (NCR), 53; Western Visayas, 26; Central Visayas, 13; Central Luzon at Calabarzon na may tig-10 kaso.

Nagmula aniya ang pagkasugat dahil sa paggamit ng kwitis, 30 kaso; piccolo, 15 kaso; lusis, 8; at triangle at five star na may tig-7 kaso.

Matatandaang inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 28 noong 2017 kung saan nagbabawal sa paggamit ng mga ­paputok.

Inilabas ng Pangulo ang nasabing EO upang gayahin ang matagumpay na firecracker ban sa Davao City kung saan siya dating nanilbihan bilang alkalde ng lungsod.

Ngunit ayon kay Duque, malayo pa bago mai­patupad ang total ban sa paputok sa buong kapuluan.

“I think the total ban is the way to go. If Davao City has exemplified total ban and therefore zero casualty, why can’t the Philippines do it under the presidency of Rodrigo Duterte… Palagay ko ­papunta na tayo diyan,” ayon pa sa kalihim.

Ipinagmalaki kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar na naging ‘generally peaceful’ ang pagsalubong sa Bagong Taon sa Kalakhang Maynila.

Ayon kay Eleazar, walang masyadong naging problema sa crowd control at mas kaunti ang nagpaputok, dahil sa mahigpit na ipinagbawal at isa pa ay walang tigil ang pag-ulan.

Aniya, isa lang ang naitalang kaso ng indiscri­minate firing pero nahuli rin ang salarin at wala naman aniyang nasaktan.

Bukod pa dito ay naging maayos at mapayapa ang pagsalubong sa Bagong Taon, dahil nasa 12,000 bilang ng pulis ang ikinalat sa ­buong ­Kalakhang Maynila kung saan nakaantabay ­lamang ang mga police nurse sa first aid station.
Pinuri naman ni Eleazar ang buong kapulisan sa naging mapayapang pagsalubong sa Bagong Taon.

Samantala, walang naitala ang Police Regional Office (PRO) Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) na mga nasugatan o namatay dahil sa paputok o stray bullet sa buong holiday season.

Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, hepe ng ­Regional Public Information Office ng PRO-Mimaropa, mula Disyembre 16 hanggang 6am ng Enero 1 ay wala silang naitalang nasugatan, namatay, o isinugod sa ospital dahil sa firecrackers o stray bullet-related incident.

Aabot umano sa 1,247 police personnel ang kanilang inilagay sa mga matataong lugar sa ­buong rehiyon sa kasagsagan ng holiday season para magbantay, na bahagi ng kanilang Operation Plan Ligtas Paskuhan 2018.

Wala ring pulis sa rehiyon ang iligal na nagpaputok ng kanilang mga baril sa pagsalubong sa Bagong Taon. (Mia Billones/Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico/Paul Jaysent Fos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy