Una sa Balita

EO 101 armas ng gobyerno para sa #goodbyegutom

0 460

Umaalburuto man ang Bulkang Taal, hindi kaila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang iba pang mga pangangailangan ng bansa, lalong-lalo na ang paghihirap ng mga napag-iiwanang bahagi ng lipunan.

Katunayan, nilagdaan nito ang Executive Order No. 101 na nagtatag sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger na layuning wakasan ang kagutuman sa bansa pagsapit sa taong 2030 at mapabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa kakulangan ng pagkain.

Seryoso ang gobyernong ito na tumugon sa problema ng kagutuman sa bansa.
Nitong Martes nga, inilabas ng Malacañang ang pagkakatalaga sa inyong lingkod para pa­ngangasiwaan ang Task Force on Zero Hunger na inatasang pababain ang poverty at hunger­ rate ng bansa sa 25% decrease sa kada dalawa’t kalahating taon hanggang taong 2030.

Makakatuwang natin dito ang mga magigi­ting na kawani’t opisyal ng DA, DBM, DepED, DENR, DOH, DOLE, DILG, DTI, DOST, PCOO, NEDA, CHED at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan.

Naniniwala ang ating Pangulo na kailangan nang gumawa ng mga agresibong hakbang para puksain ang kagutuman dahil hindi sapat ang mga nakasanayan nang kaparaanan para malutas ang problema.

Ang Task Force ay babalangkas ng national food policy upang pag-isahin sa iisang direksyon ang mga polisiyang nakatuon dito. Sususugan din nito ang ating sama-samang pagtugon sa kahirapan alinsunod sa 2017-2022 Philippine Deve­lopment Plan, bilang pagtalima na rin sa direktiba ng pangulo na ibaba ang poverty incidence hanggang 14% sa loob ng kanyang panunungkulan.

Bilang tagatimon ng polisya at mga programa tungo sa #goodbyegutom, tututukan natin ang malapitang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga national government agencies at mga lokal na pamahalaan, pati na ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders upang iisa ang direksyon ng mas malakas na aksyon tungo sa paglutas sa problema sa gutom at pagpapabilis ng pagtugon sa kakulangan ng pagkain.

Kagaya ng iba pang mga mandatong iniatang sa ating balikat, isang malaking kara­ngalang mapagkatiwalaan ng pangulo na pamunuan ang task force na susupil sa kagutuman na kinakaharap ng bansa. Buong puso ko itong tinanggap at sisikaping magampanan ang tungkulin para sa kapakanan ng mahihirap nating mga kababayan.

Mabigat man ang tungkuling ito, aasahan ko ang pakikipag­tulungan ng buong burukrasya sa paraan ng “whole of govern­ment approach” kasama ang mga sektor na siyang makakatuwang natin sa adhikaing ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More