Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Enerhiya

0 331

Malamig. Masarap matulog. Madaling dapuan ng antok. Sa pagtratrabaho, lalo’t sa nagkakaedad na gaya ko, tila ba kay dali nang maubusan ng enerhiya. Kaya ang nangyayari, gaya marahil ng karamihan sa inyo, nanghihiram ako ng lakas sa kape para labanan ang antok at panghihina dulot ng pagod.

Siyempre hindi magandang maging palaasa sa kape o sa kahit anong energy drink para lamang magbalik ang enerhiya ng katawan. May hindi rin magandang dulot sa katawan ng tao, lalo na nga sa isang gaya kong nagkakaedad, ang mga pampagising na pagkain o inumin. Kailangan balanse ang pamumuhay upang mapahaba ang enerhiya. Hindi lang dapat puro trabaho. Dapat may sapat ding enerhiya para sa ibang tungkulin mo sa buhay. Para na rin sa ibang pinagkakaabalahan mo pa.

Alagaan ang katawan. Kumain ng masusustansiyang pagkain. Mag-ehersisyo. Umiwas sa bisyo. Huwag magpupuyat. Umiwas sa stress. Ilan lamang ito sa mga dapat at ideyal na gawin upang mapanatiling maayos ang sarili. Ideyal lang kasi, mahirap naman talagang pagsabay-sabayin ang lahat ng makabubuti sa ating katawan at pagkatao.

Ngayong panahon ng kapaskuhan, hindi maiiwasang maabuso natin ang ating katawan. Kaliwa’t kanang party at kasiyahan, may inuman at masasarap na pagkain, magpupuyat para lamang gumising nang maaga dahil may trabaho pa kinabukasan. Ilang araw na nating nararanasan ito. Idagdag pa ang mahabang oras na ginugugol natin sa harap ng ating mga gadgets. Nananakit ang mata, nananakit pa ang kalooban tungkol sa mga napapanood at nababalitaan. Nakakaubos ng enerhiya.

Hindi ko itatangging ganito rin ako. Madaling maapektuhan. Madaling maubos ang enerhiya gaya na lamang ngayon sa mga sandaling tinitipa ko ito sa laptop. Nananawagan na ang antok. Pagod, pero maraming alalahanin at dapat tapusin gaya ng kolum na ito na kailangang gawin hanggang sa makakaya ng katawan bago pa matulog para kinabukasan, sana, may sapat na muling enerhiya para harapin ang pagpapatuloy ng trabaho. Bakit ba kasi kaugnay ng enerhiya ang trabaho?

Ang totoo, trabaho o paggawa ang nasa ubod ng salitang ‘enerhiya’. Sa matandang Griyego, ang salitang enerhiya ay binubuo ng dalawang salitang ‘in’ at ‘ergon’. Na nangangahulugang ‘sa loob’ ng ‘paggawa’ o ‘trabaho’. Kailangan natin ng enerhiya sa pagtratrabaho. Pero itong enerhiya ay dapat hindi natin sinasagad, sabi nga, dapat nagtitira tayo para sa kinabukasan. Hindi iyong magpapakapagod ngayon at magkakasakit kinabukasan.

Ngayong panahong ito, na peligroso pa rin sa kabila ng kumakaunting bilang ng nagkakasakit, dapat nating alagaan ang sarili. Maraming darating na uubos sa ating enerhiya. Maraming magiging dahilan ng pagod, puyat, at pang-aabuso sa katawan. Pero hindi dapat lubusin ito kahit pa sabihing kapaskuhan.

Maraming umaasa sa atin para itaguyod ng ating lakas. Magtira para sa darating na panahon. Huwag lubusin ang gamit sa enerhiya. Huwag ubusin. Gamitin para sa kasiyahan. Magtira rin para sa kinabukasan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.