Una sa Balita

Endo tatapusin sa bagong Labor Code – Koko

By ,
0 6,040

TINIYAK ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na ipaprayoridad nila sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ang pagbalangkas ng bagong Labor Code upang tapusin ang endo o kontraktuwalisasyon.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan na ang bagong batas upang magkaroon ng security of tenure ang mga manggagawa.

“Yes priority. Focus on ending illegal contractualization,” sagot ni Pimentel kaugnay sa kung ano ang lalamanin ng bagong batas.
Sa kabila ito ng naunang pahayag ni Pimentel na kailangan din munang linawin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga inilabas nitong department order hinggil sa contractualization.

Una nang sinabi ni Pimentel na nasa batas na ang pagbabawal sa kontraktuwalisasyon ngunit dahil sa ilang kautusan ng DOLE ay may mga sektor ang napayagang mangontrata.

Samantala, ikinatuwa ni Senador Joel Villanueva ang pagpapalabas ni Pangulong Duterte ng executive order laban sa illegal contracting at sub-contracting.

Ayon kay Villanueva,­ chairman ng Senate committee on labor, anuman ang inilabas na EO ay magsisilbi itong gabay ng lahat para sa paninindigan ng eheku­tibo laban sa endo.

“The EO, whatever it is, is a guide for everyone on where the Executive’s stand on the issue of ‘endo’ although it did not depart from the existing policy on contracting. But it should be noted that the President reiterated his call to end ‘endo’ and illegal contractualization,” sabi ni Villanueva.

Nangako rin ang senador na ipagpapatuloy ang pagbalangkas ng bagong batas na tatapos sa mga pang-aabuso sa mga manggagawa at bibigyang-diin ang karapatan sa security of tenure.

Ipinahayag naman ni DOLE Undersecretary Joel Maglungsod kahapon na magsisilbing gabay ng Kongreso sa paggawa ng bagong batas sa labor law ang nilagdaan executive order ni Pangulong Duterte.

Nilinaw din ni Mag­lungsod na ang executive order ay sariling bersyon ng Pangulo at hindi ng mga employer at ng mga labor group. ()