Una sa Balita

Endo ni Digong binaril sa Korte

PLDT-MVP nagpasaklolo sa CA

By , ,
0 1,044

MALAKING dagok sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa endo ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na hinarang ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapatupad ng kautusan nito sa PLDT Inc. para i-re­gular ang kanilang mga manggagawa.

Ito ang reaksiyon ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro matapos lumabas ang 47-pahinang desisyon ng CA 10th Division na sinalungat ang kautusan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.

“Hindi na nirespeto ng CA ang desisyon ng DOLE at ‘yung kautusan ni Digong. Isa na namang dagok ito sa mga contractual employees. Nakakalungkot na ganito ang naging desisyon ng CA. Taliwas yata ito sa direktiba ni Digong,” ani Castro.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na napa­kalinaw ang labor-only contracting na pinatutupad sa mga manggagawa ng PLDT.

Sa desisyon ng CA 10th Division, hindi ito sumang-ayon sa DOLE resolution na inilabas noong Enero 10, 2018 na inaatasan ang PLDT para i-regular ang kanilang mga manggagawa sa business processing outsourcing o call center personnel; information technology services; IT support services and applications development; janitorial, messengerial at clerical services; back office support at office operations; sales, medical, dental, engineer at iba pang professional services.

“Contracting out of services is not illegal per se. Our laws allow contracting arrangements for the performance of specific jobs, works or services,” batay sa desisyon ng CA 10th Division na sinulat ni Associate Justice Edwin Sorongon.

Kinondena rin ng mga manggagawa ng kompanya ng binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan ang pagharang ng CA sa regula­rization order ng DOLE.

Ipinahayag ni Dan Joshua Nazario, isa sa mga lider manggagawa na nagpoprotesta sa PLDT na sobrang galit sila sa desisyon ng CA na pinapaboran ang kompanya ni Pangilinan.

Kinuwestiyon pa nito kung kailan ba umano magiging pabor ang CA sa mga manggagawa.

Nagbigay naman ng maiksing pahayag ang Malacañang at DOLE bilang inisyal na reaksiyon sa desisyon ng CA.

“Nasa korte po iyan. We leave it to the courts,” ani Presidential Spokesman Harry Roque.

“I still have to read the decision,” sabi ni Bello.