Una sa Balita

Empleyado ng Pasay City Hall pinagbabaril

By
0 1,018

BUMULAGTA ang isang empleyado ng Pasay City Hall na pamangkin ng may-ari ng isang Ramen House nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Palanan, Makati City kamakalawa ng gabi.

Dahil sa tatlong tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Mark de Jesus, 37-an­yos, empleyado ng Pa­say City Hall at nakatira sa Lungsod ng Pasay.

Ayon kay Senior Supt. Gerry Umayao, hepe ng Makati City Police, dakong alas-­otso ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa loob ng kainan na Ramen House na matatagpuan sa Fil­more St., Barangay Palanan ng nabanggit na lungsod na pagmamay-ari ng kanyang tiyuhin.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang pamamaril sa biktima ay pinuntahan ng hindi nakilalang suspek si De Jesus sa bahay nito subalit hindi inabutan.

Dahil dito, pinuntahan ng suspek ang biktima sa kanyang pinapasukan sa Ramen House at dito ina­butan at pinagbabaril ang walang kamalay-malay na si De Jesus.

Sinabi ni Umayao, inatasan na niya ang kanyang mga imbestigador na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa ginawang pamamaril sa biktima.

Binubusisi din ang kuha ng closed circuit television (CCTV) ca­mera na nakalagay sa pinagtratrabahuhan ng biktima para sa pagkakakilanlan ng salarin. (Armida Rico)