Una sa Balita

Empleyado ng Land Bank binaril nang malapitan, patay

By
0 360

Binaril nang malapitan hanggang sa mapatay ang isang empleyado ng Land Bank of the Phi­lippines (LBP) habang nasa loob ng kanyang sasakyan at naghihintay sa kanyang anak kamakalawa nang gabi sa tapat KFC food chain, Claro M. Recto malapit sa San Sebastian St. Quiapo, Maynila.

Kinilala ni PCInsp­. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), ang biktimang si Almerico Carlo Aldaba, 49-anyos, taga-No. 85 A. Ba­ler St., Quezon City na nasawi dahil sa mga tama ng bala ng baril sa leeg at kanang bahagi ng katawan mula sa .45 caliber.

Inilarawan ang suspek na nakasuot ng kulay itim na jacket na may hood, itim na pantalon at bull cap.

Sa imbestigasyon, naganap umano ang insidente dakong alas-9:10 nang gabi habang nakaupo ang biktima sa loob ng kanyang Isuzu MU-X na may plakang ABP-1757.

Binuksan umano ng mga suspek ang kanang bahagi ng passenger seat at ilang ulit na binaril ang biktima.

Nadiskubre ni Jeanie, anak ng biktima, ang duguang katawan ng ama nang pumasok ito ng kanilang sasakyan.

Mabilis na isinugod sa UST hospital ang biktima pero idineklarang patay.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo nang pamamaslang. (Juliet de Loza-Cudia)