Una sa Balita

Election period sa SK, barangay simula na

By
0 3,092

NGAYON na ang simula ng election period para sa halalang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na idaraos sa Mayo 14.

Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) na magsisimu­la na rin silang tumanggap ng Certificates of Candidacy (COCs) mula sa mga taong nais na kumandidato sa nasabing eleksiyon, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Binigyan ng Comelec ng hanggang Abril 20 ang mga kandidato para makapaghain ng COC.

Kasabay nito, muling ipinaalala ng Comelec sa publiko na simula na rin ang pagpapatupad ng election gun ban o pagbabawal sa pagdadala at pagbiyahe ng mga baril at iba pang nakamamatay na sandata, gayundin ang pagkakaroon ng security personnel o bodyguard.

Sa ilalim ng gun ban, lahat ng permit to carry, mission order, at iba pang permiso ay kanselado na at tanging mga pulis, sundalo, at mga security personnel na may exemption at naka-duty ang maaa­ring magdala ng armas.

Pagsapit ng alas-12:01 ng hatinggabi ng Abril 14, magiging epektibo ang gun ban, kaya inaasahang maglalagay na rin ng mga checkpoint ang Comelec katuwang ang Philippine National Police.