Una sa Balita

Ekonomiya, tumamlay dahil sa TRAIN Law — Zarate

By
0 248

SINISI sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ang pagtamlay at mabagal na paglago ng ekonomiya.

Ayon kay ­Bayan Muna Rep. ­Carlos Isagani ­Zarate, ang naitalang anim na porsiyentong “economic slow down” sa ikalawang ­quarter ngayong taon ay ­bunsod ng mas katiting na paggastos ng mga Pinoy kakawing ng price shocks na dulot ng TRAIN Law bukod pa sa pagbaba ng halaga ng piso at pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Malubha talaga ang tama sa ekonomiya lalo na sa mahihirap ng TRAIN Law at mas lalala pa ito dahil sa TRAIN 2. Huwag na nilang pagtakpan pa na TRAIN talaga ang isang malaking sanhi ng pagbagal ng ekonomiya,” pahayag ni Zarate.

Ibinabala ng kongresista na posibleng lumala pa sa mga susunod na quarter ang mabagal na paglago ng ekonomiya.

Idinadahilan aniya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang makupad na pag-usad ng ekonomiya ay sanhi ng pagsasara ng Boracay, pagrebisa sa pagmimina at underspending ng gobyerno para mapagtakpan na hindi ito dulot ng TRAIN Law at iba pang anti-pobreng polisya.

“Mahirap na nga ang buhay dito sa Pilipinas ay lalo pa nilang pinahirap dahil sa TRAIN Law. Kung hindi ito ibabasura at ipapasa pa ang TRAIN 2 ay lalo pang maghihirap ang mga Filipino,” pagtatapos ni Zarate.