Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Ekonomiya isinasalba ng remittance?

0 337

Bagaman maraming OFWs mga tsong ang nag-uwian sa Pilipinas dahil naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang kanilang mga trabaho, nakalulula pa rin ang laki ng dollar remittance na pumasok sa bansa ngayong may pandemic.

Mula kasi nang mag-lockdown ang Pilipinas noong Marso para mapigilan ang pagkalat ng made in China virus, aba’y tumigil ang mundo ng mga Pinoy at umikot lang sa loob ng kani-kanilang bahay.

Kaya ang kita sa mga negosyo, dedbol, pati ang koleksiyon ng buwis ng gobyerno. Aba’y hindi siguro biro ang laki ng nawalang kita ng gobyerno sa VAT sa mga gasolinang ikinakarga ng mga motorista na biglang nawala noon sa mga matatrapik na kalsada gaya ng EDSA dahil sa lockdown.

Pati nga ang turismo, paktay negosyoh din sabi nga ng kurimaw nating Tsino. Bukod sa mga ospital, ang mga food delivery service lang yata ang kumita nang mga panahon iyon. Kasama na rin ang mga mapagsamantalang online seller ng face mask, face shield at alcohol.

Pero nang magsimula ang Hunyo, unti-unti nang binuksan ang negosyo [pero limitado] nang ilagay na sa mas maluwag na general community quarantine ang Metro Manila ang mga kalapit na lalawigan.

Ang dahilan kasi ng mga opisyal sa pamahalaan, hindi na kakayanin ng ekonomiya kung magpapatuloy pa nang matagal na sarado ang mga negosyo. Aba’y puro nga naman labas ang pera ng gobyerno sa mga ayuda at COVID-19 response, at pagkatapos eh kakarampot lang ang buwis ang pumapasok sa kaban.

Nadagdagan pa ang pagkakagastusan dahil sa mga bagyo at iba pang kalamidad gaya ng lindol at pagputok ng bulkan. Mabuti na lang mga tropapips at mahaba rin ang pisi ng maraming Pinoy na hindi yata nauubusan ng pang-donasyon sa mga kababayan natin.

Sa kabila nito, kahanga-hanga naman na kahit marami ang mga OFW ang umuwi sa Pilipinas ngayong taon na sinasabing mahigit 400,000 na, aba’y mantakin ninyong nasa 1.4 percent lang ang nabawas sa remittances ng mga Pinoy na nasa abroad.

Bakit nakakabilib kahit nabawasan? Bukod kasi sa mga OFW na umuwi sa Pilipinas, marami ring Pinoy na nagpasyang manatili sa abroad ang nabawasan ng kita dahil sa pandemic dulot din ng mga lockdown sa kani-kanilang lugar.

Sa deliberasyon sa Senado, iniulat na mula Enero hanggang Setyembre ay umabot sa $21.885 bilyon [dolyares mga tropapips] ang remittance na pumasok sa bansa. Sa kaparehong panahon noong 2019, umabot sa $22.187 bilyon ang remittance.

Sa tindi ng epekto ng COVID-19 pandemic na nanlupaypay maging ang ekonomiya ng mayayamang bansa, aba’y hindi na masama kung 1.4% lang ang natapyas sa natanggap nating remittance. At dahil Christmas season na ang Oktubre hanggang Disyembre, inaasahan na tataas pa ito.

Ang sinasabing dahilan mga tropapips kung bakit mataas pa rin kung maituturing ang pumasok ang remittances, karamihan daw kasi ng mga manggagawang Pinoy sa abroad na naiwan ay nasa health sector o mga frontliner sa mga bansa na kanilang kinaroroonan.

Marami rin naman mga Pinoy na naninirahan na talaga sa abroad ang tiyak na nagpapadala ng pera sa mga kamag-anak nila dito sa Pilipinas para tulungan sa ayuda. Bukod doon, marami ang mga OFW na skilled workers na malamang eh pinanatili na lang sa bansang kinaroroonan nila ng kani-kanilang kompanya.

Hindi man siguro direktang papasok sa kaban ng bayan ang remittances para magastos ng gobyerno na pang-ayuda, palalakasin naman nito ang reserbang dolyar ng bansa na maganda sa paningin ng mga dayuhang institusyon na nagpapautang.

Kaya naman sana, huwag pababayaan at huwag kakawawain ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga umuuwing OFW o mga nagbabalik-bayan dahil malaking bagay ang perang ipinapadala ng mga katulad nila ngayong panahon ng pandemiya.

At ang pondo ng mga OFW o ang OWWA trust fund, sinabi sa Senado na maayos pa rin ang lagay dahil bumaba lang ito sa P18.7 bilyon nitong Setyembre mula sa P19.7 bilyon noong Enero. At hindi na siguro mangyayari ang unang pinapangambahan na magiging P10 bilyon na lang ito pagkatapos ng 2020.

Kung magkakaroon na ng bakuna sa mga darating na buwan, baka makabawi na nang tuluyan ang remittance dahil makababalik na sa abroad ang umuwing mga bagong bayani. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.