Una sa Balita

Eguilos hindi naawat, Batangas lapit sa korona

By
0 2,190

HALOS perpektong opensa ang ikinamada ni Jaymo Eguilos para tulungan ang Batangas City Athletics-Tanduay na lampasan ang late comeback ng Muntinlupa Cagers-Angelis Resort para hablutin ang 78-74 win sa Game 2 ng kanilang best-of-five championship series sa MPBL-Anta Rajah Cup sa dinagsang Batangas City Coliseum.

Maaari nang walisin ng Athletics ang serye sa Game 3 upang maging inaugural champion sa naturang regional basketball league na binuo ni Senator Manny Pacquiao katuwang si former PBA MVP Kenneth Duremdes bilang commissioner.

Nagsalpak si Eguilos ng 7-of-8 tirada tungo sa 16 markers para manguna sa Athletics, na pinanood lamang malusaw ang kanilang nine-point lead papasok ng huling dalawang minuto.

Nakatulong ni Eguilos si Teytey Teodoro, bayani ng Game 1, nang muling magbigay ng mga importanteng baskets para iselyo ng Batangas City ang tagumpay at 2-0 lead.

Hawak ang trangko, 72-63 sa nalalabing 2:23, rumatsada ang determinado ring Muntinlupa at naglapag ng 11-3 run mula sa three-pointer ni Allan Mangahas, jumper ni Dhon Reverente at lay up ni Chito Jaime.

Ayon sa coach ng Batangas City na si Mac Tan, inaasahan niyang babalik anumang sandali ang Muntinlupa. (Elech Dawa)