Una sa Balita

EEZ lang tayo

0 260

Mula Hunyo, pagkatapos banggain ng barkong Tsina na Yuemaobinyu 42212 ang F/B Gem-Ver, malimit mapag-usapan ang isyu ng Exclusive Economic Zone o EEZ. Pero, kahit makinig lamang tayo sa pahayag ng mga opisyal ng ating pamahalaan, marahil tayo’y maguguluhan pa rin dahil iba-iba ang kanilang sinasabi, at iba-iba ang kanilang pagkakaintindi sa konsepto ng EEZ.

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, si G. Salvador Panelo, tama, legal, at katanggap-tanggap na pahintulutan ang Tsina at mga barkong tsina, na mangisda sa loob ng ating EEZ. Pinabulaanan naman ito ng ating Kalihim ng Ugnayang Panlabas o DFA Secretary, si G. Teodoro Locsin, Jr., na nagpahayag ng kanyang posisyon na hindi maaaring mangisda ang Tsina sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Pero ano ba talaga ang tama at totoo? At ano ba talaga itong EEZ na pinagkakaguluhan ng lahat ngayon?

Para maintindihan, kailangan nating intindihin ang ilang konsepto tungkol sa iba’t ibang uri ng karagatan na sumasailalim sa soberanya at kapangyarihan ng isang bansa tulad ng Pilipinas.

Una, nariyan ang tinatawag na territorial sea, ang bahagi ng dagat na nasusukat hanggang 12 nautical miles (mga 22.2 kilometro) mula sa tinatawag na ‘baseline’ ng isang bansa. Ang baseline ay ang punto ng lupa na pinakamalapit sa dagat kapag mababa ang tubig o low tide. Sa loob ng territorial sea, buo ang kapangyarihan ng isang bansa na ipatupad ang lahat ng mga batas at pigilin ang pagpasok ng sinumang dayuhan.

Pangalawa, nariyan ang tinatawag na conti­guous zone, ang bahagi ng dagat na nasusukat mula sa hangganan ng territorial sea (12 nautical miles o 22.2 kilometro) hanggang 24 nautical miles (44.4 kilometro) mula sa baseline. Sa loob ng contiguous zone, maaaring ipatupad ng isang bansa ang mga batas kaugnay ang mga isyu tulad ng customs, immigration, at sanitation.

Pangatlo at panghuli, nariyan ang EEZ, na nasusukat mula baseline hanggang 200 nautical miles (mga 370.4 kilometro). Sa loob ng EEZ, may eksklusibong karapatan at kapangyarihan ang isang bansa sa lahat ng natural na yaman na napapaloob dito, kasama na ang para sa pangingisda, sa pagmimina, sa pagha­hanap ng langis, at pati na ang gumawa ng hakbang laban sa anumang paninira sa mga ito. Bahagi rin dito ang eksklusibong karapatan na magtayo ng mga artificial islands sa loob ng rehiyong ito.

Malinaw dito, na sa ilalim ng sarili nating batas, at ng international law, ang Pilipinas ay may eksklusibong karapatan at soberanya sa loob ng ating EEZ. Sa atin ang isda na matatagpuan dito. Tayo lamang ang maaaring maghanap ng langis dito. Lahat ng natural na yaman na narito ay para sa ating mga Pilipino.

Maaari ba nating ipamigay o isuko ang eksklusibong karapatang ito? Ayon sa ating Saligang Batas, sa Article XII, Section 2, “Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at eksklusibong sonang pangkabuhayan nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Pilipino.”
Batay dito, malinaw pa sa sikat ng araw na ang ‘ekslusibong paggamit’ sa yamang dagat ng bansa na matatagpuan sa loob ng ating EEZ ay para lamang sa mga mamamayang Pilipino.

Hindi na ito patakaran batay sa international law kundi sa mismo nating Saligang Batas. Simple lang naman ang sinasabi, ang dagat ng Pilipinas, para dapat sa Pilipino. Simpleng patakaran, ‘di na kailangang i-memorize.
Kaya sa susunod na mapag-usapan natin ang isyung ito kasama ang ating mga kabarkada, dapat handa na tayo. Handa na tayong ipaliwanag kung ano ba talaga ang EEZ, at para kanino ba ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy