Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Edukasyon

0 133

Marami ang umaasa sa pagkakaroon ng malawakang reporma sa larangan ng edukasyon sa bansa sa nalalapit na pag-upo ni Bise Presidente Sara Duterte-Carpio bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Kung inyong matatandaan, si VP Inday Sara ay nahalal bilang Bise Presidente na may mahigit 32 milyong boto. Sa aming pagkakaalam, ito ang pinakamataas na bilang ng mga nakuhang boto sa kahit anumang posisyon sa pambansang eleksyon. Tulad ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte, magagamit ni VP Inday Sara ang nakuha niyang malaking tiwala ng taumbayan upang makapagpatupad ng mga reporma sa ating education system.

Isa ring alas ang kanyang pagiging dating mayor ng Davao City. Bilang mayor, tumatayong chairperson si Inday Sara noon ng Davao City School Board kaya’t tiyak na alam niya ang problema na kinakaharap ng mga lokal na komunidad pagdating sa edukasyon. Malaking bagay ang pagkakaroon ni Inday Sara ng lokal na pananaw para mabigyang LUNAS ang maraming problemang kinakaharap ng edukasyon sa bansa.

May ilang mga tinatawag na “experts” na kinwestyon ang desisyon ng Pangulong BBM sa pagtalaga kay VP Inday Sara bilang DepEd Secretary. Pero ang mga mismong mga ekspertong ito ang nakakulong lang sa kanilang opisina. Malayo sa realidad at nakabase lamang sa mga numero at datos na binibigay sa kanila sa pagbuo ng mga programa at rekomendasyon para sa education sector.

Ibang klaseng pamamahala at kakayahan ang dadalhin ni VP Inday Sara sa DepEd. Nahasa ang kakayahang ito sa maraming taon niyang pagiging lokal na opisyal. Panahon na para naman bigyan ng pagkakataon ang isang lider na alam at ramdam ang problema “on the ground” ‘ika nga.

Kahit naman sabihin mong eksperto ka o may malawak na karanasan sa larangan ng edukasyon, wala namang kahit sinong tao na alam ang lahat na dapat gawin. Kaya nga may mga katuwang na mga undersecretaries at iba pang opisyal sa DepEd si VP Inday Sara para tulungan siya sa pagpapatupad ng mga reporma. Puede rin namang kumonsulta si VP Inday Sara sa mga eksperto na tunay ang hangarin para sa ikabubuti ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Kamakailan lamang ay sinabi ni VP Inday Sara na ang kanyang target ay magkaroon na ng full face-to-face classes sa pagpasok ng bagong school year sa Agosto. Ito rin ang rekomendasyo ng kasalukuyang DepEd Secretary Leonor Briones. Maging ang Commission on Human Rights (CHR) ay sinang-ayunan ang planong ito, at binigyang diin ang karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng magandang edukasyon.

Alam naman nating ang pag-aaral online noong kasagsagan ng pandemya ay hindi naging pabor sa maraming estudyante lalo na yung mga kapus-palad at walang access sa Internet. Hirap na hirap sila sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng gamit.

Bukod diyan, iba rin ang pagtuturo kapag nasa loob ng classroom at may nakakahalubilo na mga kapwa mag-aaral. Ang plano ni VP Inday Sara na pagbabalik ng face-to-face classes sa darating na pasukan ay hakbang sa tamang direksyon para maisalba ang malaking nawala sa sektor ng edukasyon noong pandemya.

Ang pagtalaga kay Inday Sara bilang DepEd Secretary ay nagpapakitang malaki ang pagpapahalaga ni President BBM sa sektor ng edukasyon, dahil mismong ang pangalawang pinakamataas na opisyal sa bansa ang pinagkatiwalaan niyang mamahala dito. Kung ang Bise Presidente nga naman mismo ang DepEd Secretary,mawawala ang red tape at kung anu-ano pang balakid sa pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon.

Umaasa tayo na magkakaroon ng maraming pagbabago sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng pamamahala ni VP Inday Sara na naniniwalang sa bawat problema, may LUNAS.

Leave A Reply

Your email address will not be published.