Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Edukasyon susi sa muling pagbangon

0 173

Isa muling mainit na pagbati sa mga kababayan kong Bicolano! Ngayong Hulyo nagsipagtapos ang mga batang mag-aaral sa elementarya at high school. Kalimitang ginagawa ito tuwing Marso ngunit dahil sa pandemya ay naurong ito ng apat na buwan.

Binabati ko ang mga mag-aaral, lalo na ang kanilang mga magulang na nagpakahirap para maitawid ang edukasyon ng kanilang mga anak sa gitna ng krisis. Espesyal na pagbati rin sa mga guro dahil sa kanilang ambag na dunong sa mga mag-aaral. Walang pasubali na edukasyon ang puhunan upang umunlad ang ating bansa.

Ang edukasyon o training din ang naging puhunan ng 26 na scholars ng Ako Bicol Party-list at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan ng Masbate. Kamakailan ay nagtapos sa kursong Processed Food by Sugar Concentration ang mga naturang scholars na sumailalim sa programang Special Training for Employment Program (STEP) ng Ako Bicol Party-list.

Matapos ang kanilang kurso, binigyan sila ng starter tool kits bilang panimulang puhunan. Kabilang dito ang blender na may limang assorted blades, measuring cups, measuring spoons, weighing scale, chopping board, knife at mixing bowl. Ginanap ang pamamahagi ng toolkits noong Hulyo 16, 2021 sa Barangay Calipat-an Multi Purpose Hall, Masbate City.

Ang programang ito’y hatid ng Ako Bicol at TESDA sa ating mga kababayan lalo na sa mga Bicolanong nais maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at magkaroon ng disenteng hanapbuhay sa hinaharap. Mahalaga ngayong panahon ng pandemya na magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan lalo pa’t maraming Pilipino ang walang trabaho.

Batay sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 7.7 percent ang unemployment rate noong Mayo mula sa 8.7 percent noong Abril. Katumbas ito ng 3.73 milyong jobless noong Mayo kumpara sa 4.14 milyong walang trabaho noong Abril.

Nadagdagan man ang bilang ng muling nagkaroon ng trabaho, masakit pa ring isipin na higit tatlong milyong Pinoy pa rin ang walang hanapbuhay at nahihirapang itaguyod ang kanilang pamilya.

Natutuwa ako at nilagdaan na ang Executive Order No. 140 para sa National Employment Recovery Strategy (NERS) bilang pangunahing plano ng pamahalaan sa muling paglakas ng labor market ng bansa. Ang NERS Task Force ay inaasahang makapagbibigay ng hindi bababa sa 220,000 trabaho at tutulong sa higit 1.4 milyong Pilipino na walang trabaho at kita.

Sa abot ng aming makakaya, ang inyong lingkod at ang Ako Bicol Party-list ay patuloy na tutulong sa pamahalaan upang turuan ng pagkakakitaan ang marami nating kababayan na walang trabaho.

Hanggang sa muli mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.