Una sa Balita

Edukasyon: Sandata laban sa kahirapan

0 828

Isa ang edukasyon sa haligi ng anti-poverty program na Angat Buhay ni VP Leni Robredo. Kung matatandaan ninyo, marami-rami na tayong kuwentuhan tungkol sa mga projects kung saan nabibigyan natin ng oportunidad na makapag-aral ang ating mga kabataang nasa laylayan. 

Mayroon tayong mga classrooms na naitayo sa iba’t ibang sulok ng bansa, lalo na doon sa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga komunidad.

Mayroon din tayong bitbit na mga multicab sa mga munisipyong namomroblema sa pagtaas ng insidente ng out-of-school youth (OSY) dahil sa layo ng eskuwelahan.

Ilan lang iyan sa mga tulong na bitbit ng Office of the Vice President (OVP) para mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapag-aral. 

Sa pamamagitan ng pagbisita sa mga Angat Buhay areas, nakakausap at nalalaman natin ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa edukasyon. At sa pag-iikot nga na ito, nakarating sa atin ang problema ng mga munisipyo sa mga OSY. 

Samu’t sari ang dahilan kung bakit patuloy na may mga kabataang hindi nakakapag-aral. Tulad ng kuwento natin dati sa Eastern Samar.

Ayon sa mga guro ng Balangkayan National High School sa Eastern Samar, dumarami ang hindi nakakapasok araw-araw dahil malayo ang paaralan. Ang ibang estudyante, naglalakad ng halos dalawang oras para lang makapag-aral. 

Kaya’t isa sila sa mga paaralang nabigyan natin ng multicab. Dahil sa tulong na ito, bumaba naman ang dami ng OSY, kuwento ng mga gurong nakausap natin. 
Pero paano naman ang iba pang OSY sa ibang munisipyo? 

Dito pumapasok ang isa pa nating proyekto kung saan sa tulong ng LGU at pakikipagtulungan ng Angat Buhay partner na Dualtech Training Center Foundation, Inc., natututukan ang mga OSY. 

Sa programang ito, binibigyan ng dalawang taong training sa electromechanics technology ang mga OSY scholars. Pagkatapos mag-aral, tutulungan din silang makapag-on-the-job training (OJT) sa mga kumpanyang partner din sa programa. 

Ang programang ito ay nakatulong sa mga kabataan sa Veruela, Agusan del Sur at Sumisip, Basilan. Sa Veruela, nasa pangatlong batch na ang mga OSY scholars at ang iba ay kasalukuyan nang nag-o-OJT sa mga malalaki at kilalang kumpanya sa Pilipinas.

Sumula noong isang taon, mayroon nang di bababa sa 201 OSY scholars mula sa Veruela, at 20 naman mula Sumisip na nagsimula nitong Pebrero. 

Isa si Joshua Libanon sa mga OSY scholars mula Veruela, Agusan del Sur. Kuwento niya, mahirap ang buhay nilang magpamilya at karaniwan siyang natutulog nang kumakalam ang sikmura. Naisipan na niya ding sumali dati sa New People’s Army dahil narinig niyang dito hindi nagugutuman ang mga kasapi. 

Mabuti nalang at sa parehong panahon narinig niyang naghahanap din ng mga scholars ang LGU ng Veruela at doon siya sumali. 

Ngayon, tapos nang mag-training si Joshua at kasalukuyan nang nag-o-OJT sa isang malaking kumpanya sa Batangas—hindi na kumakalam ang sikmura bago matulog, at nakakapagpadala pa ng kaunting tulong sa kanyang pamilya—at simula pa lang ito ng pagbabago sa kanyang buhay.

Isa lang si Joshua sa maraming kabataang nabago ang kinabukasan. Tama ang sabi ni VP Leni: “Alam natin ang kahalagahan ng edukasyon. Sa ating mga Pilipino, ito ang nagbibigay ng pag-asa na makaahon sa kahirapan ang ating mga pamilya.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy