Una sa Balita

Edukasyon ang prayoridad ng mga working student

0 399

Bilib ako sa mga wor­king student! Hindi biro na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho, pero dahil sa matinding determinasyon na makatulong sa pamilya, kakayanin ang lahat ng pressure at stress.

Matinding disiplina ang kailangan para mapanindigan ang maging wor­king student. Sa hirap na mapagsabay ito, iba’t ibang sitwasyon at pagsubok ang maaaring kaharapin nito sa pang-araw araw na pamumuhay.

Isa na rito ang importansya ng oras – paano ang tamang pagbalanse nito lalo na kung panahon ng exams at kung may mga assignment na dapat tapusin agad. Focus ang kailangan upang ma­panatili ang magandang academic performance.

Ang pangalawa ay kung paano mapapanindigan na makapagtapos sa pag-aaral. Kadalasan kasi, maiisip na tumigil na lang dahil may trabaho na naman at kumikita na. Malaki ang posibilidad na mangibabaw ang trabaho at mawalan na ng interes sa edukasyon. Kaya mas mainam na sa campus na mismo magtrabaho ang estudyante para maging abot-kamay lang ang mga gawain.

Nakakaapekto rin ang kalusugan nila lalo na’t madalas na puyat at pagod dahil dire-diretso ang shift sa klase, trabaho at pag-rereview pa sa bahay mula umaga hanggang madaling-araw.

Kung may mga balakid, may mas magagandang benepisyo rin naman ang pagiging working student tulad na lang ng oportunidad na lumawak ang kaalaman, mahasa ang kakayahang magdesisyon at matutong dumiskarte sa buhay. Natututo silang humarap sa iba’t ibang uri ng tao at nahahasa ang communication skills.

Anuman ang kanilang natutunan sa pagtatrabaho ay mai-aaplay nila sa mga leksyon sa klasrum. Sa maraming paraan, nagiging ehemplo rin sila ng mahusay na lider sa mga kapwa mag-aaral dahil nakikita sa kanila ang iba’t ibang mabubuting karanasan at kasanayan.

Daan din ito para sa wastong paghahawak hindi lamang ng oras kundi ng pera. Dahil sa pagsubok na nararanasan sa pagiging working student, sila ay nagiging responsable sa pag-budget ng pera sa tamang paraan at nakakapag-ipon sila ng pambayad sa mga school requirement.

Malaking benepisyo ang Universal Access to Quality Tertiary Education Law o ang Free Higher Education Act (Republic Act No. 10931) para makadagdag sa pampinansyal na pangangailangan ng mga nasa kolehiyo, kasama na rito ang mga working student.

Anuman ang antas, kalagayan o katayuan, kahanga-hanga talaga ang sipag ng mga working student. Sa mura nilang edad na masabak sa pagbabanat ng buto, tiyak na malayo ang kanilang mararating kapag nakapagtapos na sila!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy