Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Education training program isulong para sa mga kabataan

0 49

Para makatulong sa pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 at matugunan ang suliranin sa jobs-education mismatch, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na paghusayin pa lalo ang mga skilling at training programs para sa mga kabataan. Ang ating layunin dito ay mai-angkop ang kakayahan nila oras na sumabak na sila sa labor market at maging bahagi ng mga industriya.

Sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong nakaraang Marso, lumabas ang ilan sa mga hamon at mga suliraning kinakaharap ng skilling at training programs para sa mga kabataan lalo na ang mga nasa ilalim ng Technical-Vocational Education and Training (TVET).

Ayon sa naturang pag-aaral na isinagawa bilang bahagi ng Youthworks PH initiative ng organisasyong Philippine Business for Education (PBEd), marami sa mga aspeto ng training regulations ay hindi akma sa mga industry standards—bagay na suliranin na sa bansa bago pa tumama ang COVID-19 pandemic.

Hindi rin sapat ang kaalaman ng mga trainers at assessors sa pangangailangan ng mga industriya, ayon sa pag-aaral. Bukod pa rito, lumalabas din na kulang sa soft skills ang mga entry-level workers tulad ng communication skills at disiplina sa trabaho. Dahil dito ay inirerekomenda ng pag-aaral ang pagrepaso sa TVET curriculum upang matiyak na naituturo ang mga soft skills nang husto sa ilalim ng training regulations.

Inirerekomenda rin ang pagpapalawig sa paggamit ng mga flexible learning modalities at pagpapaigting sa mga digital skills, lalo na’t napilitan ang mga negosyong mag-online mula nang tumama ang pandemya. Maliban sa pag-convert ng mga learning materials para sa online at iba pang modalities sa pagtuturo, iminumungkahi rin ang pagsasanay sa mismong mga trainers sa flexible learning.

Isinusulong din ng naturang pananaliksik ang regular na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga employers at mga TVET providers upang matiyak ang pagkakaroon ng angkop na polisiyang tutugon sa iba’t ibang mga isyu. Ang ganitong mga ugnayan o dayalogo ay inaasahang makakatulong sa pagsabay sa ilang mga pagbabago sa industriya, labor market, at training landscape.

Upang makatulong sa pagkamit ng mga rekomendasyong ito ay isinusulong ng inyong lingkod ang pagbuo ng National Education Council (NEDCO). Sa ilalim ng Senate Bill No. 1526 o ang National Education Council Act, paiigtingin ang ugnayan at pagsasaayos ng mga polisiya sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa pagbangon ng ating bansa mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, kailangang tutukan natin ang pag-angat ng kalidad ng pagsasanay ng mga kabataang mag-aaral upang maihanda sila kapag sumabak na sila sa trabaho at tiyakin na ang kanilang kasanayan at kakayahan ay angkop sa pangangailangan ng mga industriya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.