Una sa Balita

EDSA People Power para sa millennials

By
0 932

Ilang araw nalang ay ika-32 na anibersaryo na ng EDSA People Power Revolution. Napakadaming paghahandang nagaganap, pero ano nga ba ang ibig sabihin nito ngayon?

Alam nating lahat ang nangyari noong 1986. Kung paano ang isang mapayapang demonstrasyon ay naging simbolo ng kalakasan ng pagkakaisa ng sambayanang Filipino.

Hindi ito para lang matigil ang diktadur­yang nagpahirap sa ating mga kababayan at sa buong bansa, kung hindi para ating mabawi ang mga karapatang ninakaw sa atin.

Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng EDSA People Power Revolution ngayon lalo na para sa ating mga kabataan?

Iba-iba ang tingin ng mga kabataan sa nalalapit na pagdiriwang. Ang iba nakakatuwa, ang iba, well, ibang-iba.

“Ang EDSA People Power Revolution po ay nangyari noong matapos patayin si Ninoy Aquino. Nagalit po ang mga Filipino, kaya nagmartsa sila doon sa iniisip nilang nagpapatay sa kanya,” sagot ni Karen, 14-years-old mula sa Quezon City, sa tanong na “Ano ang EDSA People Power Revolution para sa iyo?”

Iba naman ang sagot ni Francis, 13-years-old mula rin sa Quezon City. Sabi niya, “Ito po ay dahil natalo ang mga Marcos. Masaya po ang mga tao kaya nagpunta sila sa kalsada para magsaya.”

Sabi ni Analyn, 17-taong-gulang mula sa Marikina, “Dilawan po ang EDSA People Power Revolution. Dahil sini-celebrate nila ang pagkapanalo ni Cory Aquino.”

Ito na ang mga pinakahindi ko malilimutang sagot sa akin nang magtanong-tanong ako. Matatawa man tayong mga nakakatanda na alam ang tunay na istor­ya, mas nakakabahalang isipin na sa mga edad na 13 pataas, hindi na nila alam kung ano ang tunay na istorya sa EDSA.
Epekto marahil ng fake news ang kalituhang ito sa ating mga millennial dahil napakaraming kuwento tungkol sa EDSA na napakalayo mula sa katotohanan.

Sabi nga ni VP Leni Robredo noong nagsalita siya tungkol sa EDSA Re­volution, dati pa may fake news tungkol sa EDSA.

“Inusisa ko na iyong mga pangyayari,” kuwento niya. “Marami akong natuklasan, at doon ko unang natuklasan na mayroon palang fake news. 1986 iyon, ha, mayroon nang fake news. Wala pa noong internet, wala pa noong social media, pero mayroon nang fake news at mayroon nang alternative facts.”

“Itong fake news, ito iyong mga kasinunga­lingan na ibinibigay sa atin, hoping na maniwala tayo kahit hindi naman siya totoo. Sinisira nito iyong mga kaalaman natin kung ano ang totoo at ano iyong hindi. Kaya hindi lang – iyong fake news, hindi lang iyan ngayon, pero noon pa, ginamit siyang strategy, ano? Ginamit siyang stra­tegy para papaniwalain tayo sa mga bagay na hindi naman pala totoo.”
Napakalaking epek­to talaga nito sa ating kabataan, ibig sabihin, napakalaking epekto nito sa kinabukasan ng ating bansa.

Totoong napakada­ling isisi sa fake news na naglalabasan tungkol sa 1986 EDSA People Power Revolution ang sitwasyon ng kaalaman ng mga kabataan, lalo pa’t sila pirme ang nakatutok sa internet.

Ang 1986 EDSA People Power Revolution ay hindi lamang tungkol sa pagpapatalsik sa isang mapang-abusong pinuno. Ito ay simbolo ng lakas nating mga Filipino kung sama-sama at tulong-tulong nating pagpupursigihan ang ating mga pangarap.

Hindi ito selebrasyon ng isang panig, kung hindi pagdiriwang ng buong bansa.