Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

EDSA carousel: 30 minuto lang mula North Ave hanggang Taft Ave

0 553

Nasa 90 mga bus ang tumatakbo sa kahabaan ng linya ng MRT-3 mula sa North Avenue, QC hanggang sa Taft Avenue, Pasay. Eto ang mga MRT-3 Augmentation Bus na ginagamit sa paghahatid ng mga pasaherong di na kasya sa MRT.

Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na lahat ng augmentation bus ay ginawa nang regular city bus mula Hulyo 29 sa rutang EDSA Carousel, ang loop-line na bumibiyahe mula sa North Ave hanggang Taft Ave, at vice-versa.

Bago ang pandemia, noong madalas ang aberya sa train ng MRT, libu-libong pasahero ang pumipila sa North Ave station mula sa 3rd floor hanggang sa bangketa ng EDSA. Dito unang ginamit ang mga augmentation bus para ihatid ang mga pasahero papuntang Ortigas, Ayala at Taft.

Pagkakataon naman ang pandemia para i-rationalize ng LTFRB ang mga bus sa EDSA. Mula sa 61 linya ng bus, ginawang isang linya ang buong highway – ang EDSA Carousel. Isinabay ang palilipat ng bus lane papunta sa median lane. Para hindi pumasok ang iba pang mga sasakyan, nilagyan eto ng mga sementong separator barrier, at tinawag na EDSA Busway. Dito na rin bumibiyahe ang augmentation bus.

Kaya, kahit nabawasan ang kapasidad ng MRT dahil sa physical distancing, maayos at mabilis ang biyahe ng mga bus sa loob ng EDSA Busway.

Kasama si Chairman Delgra, DOTr Usec Steve Pastor at Asec Goddes Hope Libiran, sinubukan namin maging pasahero ng isang bus ng EDSA Carousel. Wala pang 30 minutos ang biyahe mula sa North Ave hanggang Taft Ave.

Hindi tuloy nakapagtataka na mas maraming pasahero pinipili ang bus kaysa sa train ng MRT. Sa obserbasyon ng DOTr, kayang bumiyahe ang isang bus ng 7-8 beses kada araw dahil walang trapik. Ayon rin sa taga-MRT, abot daw ng 10,000 pasahero ang gumagamit sa bus sa halip na sa train nila.

Sabi ni Chairman Delgra, wala naman masyadong epekto sa mga pasahero ang paglilipat sa augmentation bus bilang regular city bus. Mula sa dating flat fare na P25, ipapantay na ang pamasahe katulad ng mga regular bus sa P13 pesos sa unang 5 kilometro at P2.20 bawat kilometrong dagdag. Yung mga maikli lang ang biyahe ang makakaramdam ng pagbabago.

May 16 bus stop ang itatayo sa kahabaan ng EDSA Busway. Bawat bus stop ay proprotektahan ng mga concrete barrier para sa kaligtasan ng mga pasahero. Matatapos daw ang mga eto hanggang Setyembre, ayon sa DOTr.

May tatlo pa lamang na bus ang bumangga sa concrete barrier. Yung isa nga, inararo ng MSJ bus ang mga barrier hanggang tumalsik at tumawid sa EDSA. Agad gumawa ng imbestigasyon ang LTFRB at LTO sa insidente. Sinuspendi ng LTO ang drayber ng 90 araw. Kung mapapatunayan, paparusahan ng LTFRB ang operator ng MSJ Bus.

Ang mga naunang insidente ay kinasangkutan ng Joanna Jesh Transport at Roval Transport Public Utility na parehong bumangga rin sa mga barrier. Nahaharap ang mga drayber sa posibleng suspension o kansela ng kanilang lisensiya. Ang mga operator naman ay nahaharap sa posibleng multa, at suspension o cancellation ng kanilang prangkisa.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.