Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

EDSA busway: 80K pasahero kada araw na

0 75

Kung pagbabatayan ang pagsisikip na naman ng trapiko sa Metro Manila, tuloy-tuloy na nga ang balik-sigla ng ating ekonomiya sa gitna ng pandemya, lalo’t may mga pahiwatig na magluluwag ng kaunti ang quarantine pagpasok ng Marso.

Dito sa EDSA, kapansin-pansin ang pagsulpot ng bus lane sa isang lane na lamang na binansagang EDSA Busway.

Nakapanayam natin si Mr. Alberto Suansing, senior consultant ng Department of Transportation sa road sector noong Sabado. Si Mr. Suansing ay dati ng nanilbihan bilang pinuno ng Land Transportation Office at Land (LTO) Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at nagkataon na kaarawan niya noong araw ng panayam.

Sa mga madalang magawi sa EDSA, katulad ko, inalis na ang yellow lane o bus lane sa kanang bahagi ng EDSA nang buksan ang Busway. Hindi na po bawal ang ibang sasakyan na dumaan sa dating yellow lane. Sa katunayan, inaalis na ng MMDA ang mga yellow lane upang hindi makalito sa mga motorista. Ayon kay Mr. Suansing, ang isa sa dating dalawang yellow lane ay gagawing bicycle lane, at ang isa ay para magamit ng iba pang sasakyan.

Eto raw ang bunga ng pagkakalagay ng EDSA Busway at rationalization ng mga bus na dating bumibiyahe sa EDSA. Lumabas sa aming kuwentuhan na may 4,900 bus ang gumagamit sa EDSA. Dahil sa rationalization, ang dating 91 linya ng bus ay tinapya sa 31 linya ng bus na lamang. Ang ibang mga bus ay itinalaga sa ibang ruta sa mga kalsada na tumatawid sa EDSA.

Ang mga natirang bus sa EDSA ay binuo sa dalawang consortia o grupo, at sila lamang ang pinapayagan sa pumasada sa EDSA Busway. Binubuo eto ng 38 kupanya na may 550 na bus.

Ang EDSA Busway ay mula sa Monumento hanggang sa PITX (Paranaque Integrated Terminal Exchange). Maghihintay ang mga bus sa PITX para sila dispatsahin, at mag U-turn bago dumating sa mismong Monumento rotunda.

May 16 na bus stops na pawang nakalagay sa center island EDSA, sa ilalim ng malalaking istasyon ng MRT-3. Ang mga pasahero ay gagamit ng walkway o tulay ng MRT para makatawid ng EDSA.

Sa ulat ni Mr. Suansing, umaabot na sa 80,000 pasahero ang naisasakay ng higit 200 bus na pumapasada araw-araw.

May plano na magdagdag ng mga bus stops para maka-accommodate ng mas maraming pasahero sa lugar na at-grade ang MRT-3. Pero malaking hamon ang pagtatayo ng mga walkway na magagamit ng mga pasahero. Ang pinag-iisipang solusyon ay ang pagtatayo ng elevated bus stops. Nangangalap ngayon ang pamahalaan ng mga sponsors na tutulong sa mga pinag-iisapang solusyon.

Naniniwala tayo dito sa Good Trip na ang permanenteng solusyon sa trapiko (sa EDSA) ay ang pagsusulong ng mass transportation tulad ng train at bus. Kasabay ng pagsasaayos at expansion ng mga ruta ng train, dapat din pagtuunan ang pagpapalawak ng kapasidad ng EDSA Busway. Dapat na isulong ang karagdagang sakayan/babaan upang mas maraming pasahero ang makakasakay.

Pakinggan o panoorin ang kuwentuhan namin ni Mr. Alberto Suansing sa Youtube channel na RJ NEWS PH (https://youtu.be/0W5fwYn1PMg).

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.