Una sa Balita

EDITORIAL: Welcome to school, 2.5M!

0 0

Aabot nga raw sa 2.5 milyong mag-aaral ang susugod ngayong araw sa pagbubukas ng klase sa mga paaralan sa buong Pilipinas.

Napakalaking bilang nito. Hindi pa nga sumabay ang ilang eskwelahang sumubok sa ‘optional date’ na schooling opening sa Agosto.

May ilang pribadong paaralan at state universities na nagpasyang sa Agosto pa magsimula ng klase at hindi pa kasama sa 2.5 milyong mamartsa ngayon sa mga eswkelahan ang mga estudyante ng mga iskul na ito.

Ang unang-unang sakit ng ulo sa napakataas na populasyon ng estudyante sa taong ito, lalo na sa Kalakhang Maynila, ay ang trapiko. Parang mahirap isipin na lalo pang sisikip ang daloy ng trapiko sa Metro Manila. Tanong nga ng ilang pilosopo na pikon na pikon na sa Metro Manila traffic, “May isisikip pa ba? May ibabagal pa ba ang daloy ng trapiko sa Metro Manila?”

Makikita ngayong araw kung may epekto ang panibagong formula ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na 15-second stop ng lahat ng sasakyan sa tapat ng mga eskwelahan o sa school zone para magbaba at magsakay ng mga estudyante. Kasama raw sa sasaklawin ng bagong patakarang ito ang mga school service.

Bukod dito, tatambakan daw ng mga traffic enforcers ang mga school zones at pati na ang mga kanugnog na kalsada. Pinatu­tulong na rin ang mga barangay tanod sa pagmamando ng trapiko sa mga lugar kung saan may paaralan.

Maganda ring nabanggit ng MMDA na kasama rin sa kanilang mga babantayan ang mga tricycle na umaapaw sa sakay na estudyante at ang ilan ay tumatawid pa sa malalaking kalsada at highways. Tunay namang hindi dapat pinapayagan ang ganitong diskarte ng mga tsuper para lamang kumita.

Sa lahat ng kinakaharap na mga problemang idudulot ng napakalaking populasyon ng mga papasok sa eskwelahan, importanteng maprayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Kaya nga mahusay din itong ginagawang paghihigpit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga school service. Bawal na ang kolorum at kailangang nakakasunod sa panuntunan ng ahensya ang mga school service.

Ang Philippine National Police (PNP) naman ay umalerto na rin daw sa pagbibigay ng seguridad sa mga school zones. Ang importanteng makita sa bisinidad ay presensya ng mga unipormadong pulis at kanilang mobile cars.

Kapag ganitong bukas na ang klase ay tiyak na tatambayan na naman ng mga drug dealers, holdaper, carnappers at pati na ang medyo tumahimik na kidnap gangs ang mga eskwelahan kaya dapat ay nakakalat at nakaalerto rito ang pulisya at mga barangay tanod.