Una sa Balita

Editorial: Sumuporta at magbantay!

0 5

Bukas ay magpapalit na ng administrasyon. Sa pag-upo nina President-elect Rodrigo Duterte at Vice President-elect Leni Robredo, may kanya-kanya silang pangakong binitiwan sa taumbayan sa panahon ng kampanya. Itong mga pangakong ito ang bumihag sa puso ng nakakaraming botanteng Pinoy at siya nilang panghahawakan sa loob ng anim na taon.

Nawa ay kasihan ng Poong Lumikha ang mga bagong halal na lider ng bansa. Gabayan nawa ang kanilang mga kaisipan at gawing makatao, maka-Pilipino, maka-kalikasan at higit sa lahat, maka-Diyos ang bawat desisyon at aksyon.

Maganda ang pangitaing nasusul­yapan ni Sen.-elect Panfilo Lacson sa pangakong ‘kamay na bakal’ ni newly elected Pres. Duterte. Hindi pa man ito nakakaupo ay naramdaman na ang nginig sa hanay ng mga kriminal, lalo na ang mga sangkot sa illegal drugs.

Sabi ni Lacson, ngayon lang daw nangyari na kusang sumusuko ang mga drug addict at mga tulak dahil sa takot na bumulagta na lamang sila isang araw. Nakatulong daw na nakita ang kahandaan ng Philippine National Police (PNP) na gawin ang pangako ni Duterte na sa loob ng 3-6 months ay mawawalis ang kriminalidad, lalo na ang illegal drugs sa bansa.

Pati na ang pahayag ng militar na anumang oras na kailanganin ng pulisya ang kanilang tulong sa kampanya nito laban sa kriminalidad ay handa silang ibigay ito.

Bumilib din si Lacson sa pagiging ‘doer at performer’ ng piniling PNP chief ni Duterte na si Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa dahil kaya nitong mag-deliver o makapaghatid ng magandang resulta.

Sa huli, klaro ang pahayag ng senador na dating PNP chief, dapat ay hopeful ang taumbayan na magtatagumpay sa anti-crime campaign, lalo sa drug war, ang administrasyong Duterte, “For our sake and for the future generations.”

Oo nga naman! Kapag nagiba ang illegal drug operations sa bansa, tao ang direktang makikinabang at higit sa lahat, ang mga kabataan.

Sana lang ay magliwanag ang isip ni President-elect Duterte na kakailanganin niya ang katuwang na may ‘nanay touch’ sa kanyang matapang na pamahalaan. Walang iba ito kundi si VP-elect Leni.

Panahon na para tuluyang maghilom ang sugat ng kampanya at eleksyon at pansamantalang iwaksi ang mga nasaktang kaibigan. Alang-alang sa bayan!

Ang sambayanan, sa kabilang banda, kailangang manatiling nagbabantay sa galaw at mga pasya ng mga bagong luklok na opisyal. Maraming pangako. Mataas ang inaasahan.

Habang hinahangad ang tagumpay at bukas ang kaisipan para sa patas na tsansa, hindi dapat isuko ang pagiging mapanuri at vigilante, lalo na sa mga kaduda-dudang transaksyon.