Una sa Balita

EDITORIAL: Sukatan ng kabayanihan

0 253

Ngayong araw ipinagdiriwang ang National Heroes’ Day. Isa ito sa mga regular na holiday sa Pilipinas dahil tunay namang karapat-dapat na gunitain at bigyan ng paulit-ulit na pagpupugay at parangal ang mga bayani ng ating lahi.

Pero ano nga ba ang pakahulugan ng salitang “bayani”? Kailan maituturing na bayani ang isang tao?

Kung susuriin ang salitang “bayani” ay mapapansing nakapaloob dito ang salitang “bayan”. Sa pinakasimpleng paliwanag, ang salitang bayani ay taguri sa isang tao na inuuna ang bayan kaysa sariling interes. “Country above self” o bayan muna bago ang sarili. Kapag sinabing sarili kasama riyan ang pagmamahal sa pamilya, sa kaibigan o sa mga taong malapit sa sarili. Lahat nang patungkol sa personal na konsiderasyon ay pansariling interes.

Hindi madaling maging bayani dahil ‘human nature’ ang unang-unang kalaban. Natural sa isang tao na unahin ang sariling kapakanan bago ang iba. Pinakanormal na takbo ng kaisipan iyan.

Sa mga nagdaang panahon, ang mga bayani natin ay nagbubuwis ng buhay para sa bayan, lalo na noong nakikipaglaban pa tayo sa kalayaan laban sa mga dayuhang sumakop at umalipin sa atin. Mayroon ding mga nagpa­kabayani at nagbuwis ng buhay laban sa kapwa Filipino na lumapastangan sa bayan at nagwalanghiya sa sambayanan.

Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay hinihingi ang pagbubuwis ng buhay para maging bayani. Napakaraming bayani na hanggang ngayon ay buhay na inspirasyon ng kadakilaan.

Mahirap masukat ang kabayanihan dahil napakarami nitong anyo. Pero ang madaling masukat ay kung sino ang hindi kailanman maaaring ituring na bayani.

Ito ang mukha ng kabaligtaran ng isang bayani. Ganito ang anyo ng traydor sa bayan:

Isang tao, lalo na kung nakapuwesto sa gobyerno, na inuuna ang ikasisiya o benepisyo ng sarili gaya ng pagpapayaman gamit ang pondo ng bayan; pinaprayo­ridad ang interes ng iilang espesipikong tao, lalo na ng mga pinagkakautangan ng loob, kaysa pangkalahatang interes; nagsasamantala sa kapangyarihan para manggipit, para sikilin ang kalayaan at karapatan ng mamamayan partikular ang mga kritiko sa kanya, para baluktutin ang batas o gumawa ng sariling batas upang makontrol ang gobyerno na ang layunin ay mas malawak na kapangyarihan; nagsusulong o nag-o-awtorisa ng karahasan laban sa kapwa Filipino; at panghuli, kla­rong hindi dapat ituring “kailanman” bilang bayani, ay ang isang diktador.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy