Una sa Balita

EDITORIAL: Sino ba ang sumisira sa Pangulo?

0 2

Tuwing magtatalumpati si Pangulong Rodrigo Duterte, kapuna-puna na lagi niyang sinasabi na hindi siya takot mamatay. Na maipuwesto lang ang federal form of government, pwede na siyang bumaba kahit dalawa o tatlong taon pa lang siya sa puwesto. Na kung hindi kuntento ang taumbayan sa kanyang panunungkulan, pwede siyang mag-step down anumang oras.

Sinabi na niya ito noon sa mga nagdaang talumpati at inulit na naman niya sa awarding ceremony ng The Outstanding Filipino (TOFIL) kahapon sa Malacañang.

Kasunod ng ganitong mga kataga, palagi ring nakabuntot ang pangalan ni Vice President Leni Robredo, kung saan ganito inilalatag ang mga salita, “Huwag kayong mag-alala, nandyan naman si Leni para pumalit sa akin.”

Walang masama sa mga salita. Ito naman talaga ang inuutos ng Konstitusyon.
Pero nagagamit ang linyang ito ng mga malisyosong tagapagpakalat ng maling impormasyon at ng mga intrigang insinuwasyon.

Laging sinasabi ng mga tagapagpakalat ng maling balita na, “si VP Leni talaga ang makikinabang kapag nawala si Pangulong Duterte kaya ginagawa ng kanyang partido ang lahat para sirain at mapabagsak ang Pangulo.”

Ang tanong: Ano ang basehan ng ganitong mga pang-iintriga?

Ilang beses nang sinabi ni VP Leni na mahalaga na matapos ng isang Pangulo ang buong termino dahil ito ay mandato na ibinigay sa kanya ng taumbayan.

Paulit-ulit na ring sinabi ng Bise Presidente na buo ang suporta niya sa administrasyong Duterte bagama’t may ilang polisiya, patakaran at desisyon ang Pangulo at kasalukuyang pamahalaan na hindi rin sinasang-ayunan ni Robredo dahil sa prinsipyo.

Sinabi na ng Bise Presidente na, kritiko siya pero hindi para pabagsakin ang Pangulo at lalong wala siyang ambisyon sa trono nito.

Hindi nakakatulong sa bansa ang pang-iintriga sa dalawang pinakamatataas na opisyal ng Pilipinas.

Nang ihalal ng taumbayan sa pamamagitan ng isang malayang halalan sina Pangulong Duterte at Pangalawang Pangulong Robredo, isa lamang ang nais mangyari ng mga Filipino: ang magkatuwang nilang pamahalaan ang bansa.

Huwag na sanang intrigahin pa ito. Ibigay ang pagkakataon sa dalawa na maging mabubuting lider ng bansa sa kani-kanilang taglay na tungkulin at kapangyarihan.

Pero sana, pangunahan ng Pangulo ang pagputol sa intriga at tigilan na ang pagsasabi na papalitan siya ni VP Leni.