Una sa Balita

Editorial: Seryosong kamay para sa kalikasan

0 13

Sa lahat ng appointees ni President-elect Rodrigo Duterte sa kanyang gabinete, itong pagkakapili niya kay giant network executive Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nakasorpresa sa marami. Mismong ang may katawan nga ay nagulat. Hindi talaga inaasahan.

Nang tanggapin kahapon ni Lopez ang posisyon, gumewang na ang mining at oil stocks sa Philippine Stock Exchange (PSE). Ito ang reaksyon ng mga negosyante at financier ng mga minahan sa bansa.

Pero iba ang reaksyon ng mga environmentalists na ang adbokasiya ay iligtas ang Mother Earth mula sa tuluyang pagkasira na dulot ng industriyalisasyon at walang pakundangang abuso sa likas na yaman.

Masasabing mahusay ang pagkakapili kay Lopez. Bagama’t sa isip ng ilan ay panibagong ‘bayad-utang’ na naman ang Lopez appointment sa nakaraang kampanya – may impresyon kasi na nakakiling ang ABS-CBN sa Duterte campaign noon dahil sa lantarang pagsuporta rito ni Lopez – sa isang banda ay mukhang ang kalikasan naman ang magbebenepisyo sa kanilang alyansa.

Ang kapuri-puri kay Lopez, bilang isang pribadong indibidwal ay naging masigasig at consistent ito sa kanyang kampanya para sa pagsusulong ng pro-environment projects.

Sa katunayan, ang ABS-CBN Foundation na nasa ilalim ng kanyang pamumuno ay pangunahing haligi ng malawakang proyekto na rehabilitasyon ng Pasig River. Tinawag na “Kapit-Bisig para sa Ilog Pasig” ang kampanya na walang kapagurang itinataguyod ni Lopez at ng foundation, katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno, non-governmental organizations (NGOs) at mga ‘green volunteers’.

Mula sa aktuwal na paglilinis ng Ilog Pasig hanggang sa edukasyon sa pamamagitan ng giant network kung paano mu­ling mabubuhay ang kontaminadong ilog, kita ang buhos na pagsisikap ni Lopez.

May katwiran ding mangamba ang mga kumpanya na ang negosyo ay nasa pagmimina at mga coal-fired power plants dahil bilang isang pribadong indibidwal ay naging napaka-aktibo at pursigido ni Lopez na tutulan ang ganitong uri ng mga aktibidad at negosyo sa bansa dahil sa matinding pinsalang idinudulot nito sa kalikasan.

Sinuman ang mayroong ganitong katangian ay karapat-dapat na pamunuan ang DENR.

Gayunpaman, dapat ding isipin ngayon ng uupong kalihim na hindi na siya basta pro-kalikasan environment kundi mayroon na siyang hawak na kapangyarihan na direktang makakaapekto sa interes ng mga mamamayan, ng mga investors sa bansa at ng kalikasan.

Importante ring binabalanse ang mga galaw at desisyon.